Umabot sa 51 Pilipino ang nakakulong sa Cambodia dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga iligal na scam operation, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sa ulat ng DMW nitong Miyerkules, November 4, 28 Pilipino ang nakakulong sa Sihanoukville at nahaharap sa felony charges na may kaugnayan sa organized crime, na may parusang lima hanggang 10 taong pagkakabilanggo.
Samantala, 23 pang Pilipino ang nakakulong sa Battambang dahil sa misdemeanor charges na may posibleng parusang dalawa hanggang limang taon.
“Hindi natin kukunsintihin ang sinumang Pilipinong sadyang nakikilahok sa mga ilegal na scam operation. Dapat managot sa batas ang mga mapapatunayang sangkot dito,” ani Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac.
Gayunman, tiniyak niyang poprotektahan ang mga Pilipinong naloko, na-traffick o pinilit na magtrabaho sa mga scam operation, alinsunod sa non-punishment principle para sa mga biktima ng human trafficking.
Sumailalim na sa pre-trial proceedings ang mga nakakulong, habang nagbibigay ng legal assistance ang Migrant Workers Office sa Cambodia katuwang ang HBS Law Firm.
Inaasahang magpapasya ang korte sa Cambodia sa December 6 kung ibabasura ang mga kaso o itutuloy sa paglilitis. /Bistado


