Nagtapos nang walang napagtibay na pangunahing kasunduan ang COP31 climate summit sa Antalya, Türkiye noong Linggo, matapos ang dalawang linggong negosasyon ng mga kinatawan ng 196 bansa at European Union.
Sinisi ni COP31 President Murat Kurum ang ilang bansa sa umano’y kakulangan ng pagsisikap at kahandaang magkompromiso upang makabuo ng consensus.
“Unfortunately, some countries failed to demonstrate the effort and flexibility required by this historic responsibility,” ani Kurum sa closing plenary.
Si Kurum ay environment, urbanization and climate change minister ng Türkiye. Hindi niya pinangalanan sa pahayag ang mga bansang tinutukoy.
Sinabi niyang iginagalang ang pambansang prayoridad at kalagayan ng bawat bansa, ngunit inaasahan niyang higit na pananagutan ang ipapakita ng lahat sa paghahanap ng solusyon sa climate crisis.
Iginiit ni Kurum na ginawa ng Türkiye ang lahat ng posibleng hakbang upang makamit ang pagkakasundo.
“The world is not waiting, disasters are not waiting, and future generations are not waiting,” aniya.
Bagaman hindi napagtibay ang pangunahing desisyon, itinuring niyang mga nakamit ng summit ang Action Agenda, mga internasyonal na partnership at mga inisyatiba sa kooperasyon.
Nagpasalamat din siya sa mga delegasyon, mga katuwang mula Australia at UN Secretariat bago pormal na isara ang pagpupulong sa pamamagitan ng pagpukpok ng malyete.
“The gavel I am about to strike will close this session, but our struggle will continue,” ani Kurum. /Bistado


