Red tape, go away!
Yan ang goal ng Quezon City government sa pagkilos nito para makonekta ang lahat ng 142 barangays nito sa online payment system para mapabilis ang pagkuha ng business clearances at mabawasan ang abala sa mga negosyante.
Sa ilalim ng bagong barangay e-payment ordinance, maaari nang magbayad ng clearance fees gamit ang GCash, Maya at iba pang digital platforms, na direktang papasok sa mga barangay.
Ikokonekta ang sistema sa online business permit platform ng lungsod, kasama ang QC BizEasy para sa business registration at QC Pay Easy para sa electronic payments.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, layunin nitong bawasan ang red tape at gawing mas mabilis ang mga transaksyon sa gobyerno.
May mahigit 70,000 rehistradong negosyo ang Quezon City, na nakapag-ambag ng P1.4 trilyon sa ekonomiya noong 2025, katumbas ng halos 6 porsiyento ng gross domestic product ng bansa.
Sa pamamagitan naman ng QC Delivers, mahigit 289,000 opisyal na dokumento na ang naihatid direkta sa mga negosyo upang hindi na kailangang pumunta sa City Hall.
Nakakonekta na rin ang mga sistema ng QC sa Philippine Business Hub, eGovPH at business registration system ng Department of Trade and Industry (DTI).
May kasunduan din ang lungsod sa Bureau of Fire Protection (BFP) para direktang makuha ang impormasyon mula sa online business permit applications bago matapos ang taon, upang mapabilis ang pag-isyu ng Fire Safety Inspection Certificates.
Nagpatupad din ang QC ng risk-based inspections para gawing mas simple ang proseso sa mga negosyong mababa ang panganib.
Nauna nang tumanggap ang lungsod ng Hall of Fame recognition bilang Most Business-Friendly LGU mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry at Gold Asia-Pacific Stevie Award para sa Innovation in Government. /Bistado


