Nanawagan ang mga energy group ng agarang summit bago mag-Pasko para tugunan ang kakulangan sa suplay ng kuryente sa Visayas, na nakapagtala ng 128 yellow alerts at 52 red alerts mula January hanggang October 29.
Batay sa datos ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), nasa 2,200 hanggang 2,900 megawatts (MW) ang available capacity sa malaking bahagi ng 2026, habang umaabot sa 2,300 hanggang 2,550 MW ang daily peak demand.
Dahil sa manipis na reserba, nanganganib sa brownouts ang mga lugar gaya ng Cebu, Panay at Bohol kapag nagkaproblema ang mga power plant.
Ayon kay Developers of Renewable Energy Associations (DREAM) President Jay Layug, kailangang magtipon ang gobyerno, power companies at energy developers para maglatag ng agarang solusyon.
Sinuportahan naman ni Philippine Solar and Storage Energy Alliance (PSSEA) Chairperson Maria Theresa Capellan ang paggamit ng rooftop solar panels na may battery storage, na maaaring maitayo sa loob lamang ng ilang linggo.
Nagbabala rin si Layug laban sa labis na pag-asa sa diesel generators dahil sa pabago-bagong presyo ng imported fuel.
Iginiit ng mga grupo na mahalagang palawakin ang renewable energy at battery storage para mabawasan ang panganib ng brownouts at pagtaas ng singil sa kuryente.
Target nilang maisagawa ang summit bago ang Christmas holidays upang mapagkasunduan ang mga agarang hakbang. /Bistado


