Magtutulungan ang MVP Group at San Miguel Corporation (SMC) sa planong P120-bilyong elevated expressway mula Balintawak sa Quezon City hanggang Bocaue, Bulacan para mabawasan ang trapiko at mapabilis ang biyahe sa hilagang bahagi ng Metro Manila.
Inanunsyo ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes, October 29, sa inauguration ng North Luzon Expressway (NLEX) Segment 8.2 Section 1A sa Valenzuela City.
“Ang MVP Group ay mayroon silang… maglalagay sila ng investment na may halaga ng PHP120 billion. Ito ay maglalagay sila ng elevated na daan mula Balintawak hanggang Bocaue,” ani Marcos.
Ayon sa Pangulo, itatayo ang bagong elevated road sa kahabaan ng kasalukuyang highway upang madagdagan ang mga madadaanan ng mga motorista.
“At napakalaking bagay nito dahil ito ay idadaan nila doon sa may highway na ngayon, maglalagay sila ng elevated [road]. Ito yung pagsasama ng dalawang grupo, ng MVP at SMC na pinagsasama, pinakiusapan ko sila na magtulungan sila para madagdagan naman natin yung dinadaanan,” dagdag niya.
Inaasahang makatutulong ang proyekto sa pagpapaluwag ng trapiko, pagpapaikli ng travel time at pagbabawas ng gastos sa transportasyon.
Kasabay nito, pinasinayaan ni Marcos ang dalawang kilometrong NLEX Segment 8.2 Section 1A na nag-uugnay sa Quirino Highway sa Quezon City at NLEX Mindanao Toll Plaza sa Valenzuela.
Ininspeksyon din ng Pangulo ang Metro Manila Subway Project, kung saan sinabi niyang tapos na ang tunneling works at mahigit 90 porsiyento nang kumpleto ang mga supporting facilities.
Wala pang inanunsyong petsa kung kailan sisimulan o matatapos ang planong P120-bilyong elevated expressway. /Bistado


