Sasagutin ng contractor ang pagpapalit sa dalawang girder na bumagsak sa ginagawang Gandara 2 Parallel Bridge sa Samar, nang walang dagdag na gastos sa gobyerno, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinabi ni DPWH Eastern Visayas Regional Director Edgar Tabacon na tinanggap ng contractor ang pananagutan sa insidente. Ininspeksiyon na ang tulay, inalis ang mga debris at nagpatupad ng mga hakbang pangkaligtasan habang nagpapatuloy ang konstruksyon.
Batay sa paunang technical assessment ng DPWH, hindi iniugnay ang pagbagsak sa paggamit ng substandard na materyales. Matatag din umano ang mga haligi at suporta sa magkabilang dulo ng tulay.
Nag-utos si Public Works Secretary Giovanni Lopez ng technical assessment upang matukoy ang kailangang pagkukumpuni. Personal din niyang sinuri ang proyekto nitong Biyernes ng hapon.
Inatasan naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DPWH na tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawa at motorista, kabilang ang gumagamit ng kalapit na mga kalsada at tulay.
May halagang P92.61 milyon ang Phase 1 ng proyekto, na saklaw ang pagtatayo ng 70-metrong tulay sa Gandara Diversion Road upang madagdagan ang kapasidad para sa mga sasakyan at mapahusay ang kaligtasan ng mga dumaraan. /Bistado


