Lumaki ng 21 porsiyento sa P2.4 bilyon ang core net income ng Universal Robina Corporation (URC) sa ikatlong quarter ng 2026, dahil sa mas malakas na operasyon at mas mababang gastos sa financing.
Ayon sa ulat ng kumpanyang bahagi ng Gokongwei Group nitong Biyernes, November 6, umakyat ng 7 porsiyento sa P41.4 bilyon ang benta, habang sumirit ng 14 porsiyento sa P3.4 bilyon ang operating income.
Tumaas din ng 10 porsiyento sa P2.6 bilyon ang net income mula sa continuing operations.
Sa branded consumer foods, lumago ng 7 porsiyento sa P30 bilyon ang benta, kabilang ang P20 bilyon sa Pilipinas at P10 bilyon sa international markets.
Umakyat naman ng 6 porsiyento sa P11.4 bilyon ang benta ng agro-industrial at commodities business, sa tulong ng animal nutrition, pet food at harina.
Sa unang siyam na buwan ng 2026, umabot sa P130.7 bilyon ang revenues ng URC, habang lumago ng 7 porsiyento sa P9.1 bilyon ang core net income.
“Our third-quarter performance demonstrates our ability to deliver on our commitments and reflects the strength of URC’s business model,” ani URC President at CEO Irwin Lee. /Bistado


