Binuking ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan ang P319.3 milyong perang pumasok mula China at Hong Kong sa Cale88 Foods Corp., kumpanyang may kaugnayan sa mister ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases Carpio.
Sa press conference sa Kamara nitong Biyernes, November 6, kinuwestiyon ni Kapunan ang pinagmulan ng pera at ang pananahimik umano ni Duterte sa agresibong pagkilos ng China sa West Philippine Sea.
“Ang tawag d’yan ay treason,” banat ni Kapunan.
Batay sa datos ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), umabot sa P776.64 milyon ang kabuuang perang pumasok sa Cale88 mula 2022 hanggang 2025. Dito, P315.94 milyon ang galing sa mainland China at P3.39 milyon sa Hong Kong.
Itinatag ang Cale88 noong 2021. Sa corporate filing nito noong 2024, nakasaad na may 47.5 porsiyentong pagmamay-ari rito si Carpio.
“This goes into her capacity, into her fitness to assume the highest official position of the country,” giit ni Kapunan.
Tinuligsa rin niya ang pananahimik umano ng Bise Presidente habang patuloy na kinokondena ang presensya ng mga barkong Chinese sa exclusive economic zone ng Pilipinas.
“Tapos siya ay quiet,” aniya.
“Ito ang impeachment natin, betrayal of public trust.”
Sa inilatag na dokumento ni Kapunan, 10 kumpanyang Chinese ang nagpadala ng 84 remittances na nagkakahalaga ng P195.46 milyon sa Cale88.
Nanguna ang G-One Supply Chain Management (Tianjin) na may P51.07 milyon sa 34 transaksyon, kasunod ang Beijing Zhenweifang Food na may P39.99 milyon sa 11 transaksyon.
Kasama rin ang Yiwu Yimei Food (P24.12 milyon), Jinhua Dongxi Trading (P23.27 milyon), Yiwu Yunnong Import and Export (P20.42 milyon) at China National Township Enterprises (P19.28 milyon).
Ang iba pang nagpadala ay Jin Hua Mellow Taste Trade (P8.01 milyon), Zhengzhou Huanhai Food (P4.07 milyon), Qingdao Hongjiaren Trading (P2.62 milyon) at Fujian Weimin Food (P2.60 milyon).
Bahagi lamang ang P195.46 milyon mula sa 10 kumpanya ng mas malaking P319.3 milyong remittances mula China at Hong Kong.
Mas lalo pang kinuwestiyon ni Kapunan ang mga transaksyon dahil ang China National Township Enterprises ay subsidiary ng China National Agricultural Development Group, isang kumpanyang pag-aari ng gobyerno ng China.
Inilarawan din niya ang Beijing Zhenweifang Food bilang state-owned, batay sa pananaliksik na iniugnay sa tanggapan ni Senator-Judge Risa Hontiveros. Gayunman, hindi pa malinaw ang antas ng pagmamay-ari o kontrol ng nabanggit na investor sa kumpanya.
Sa AMLC records, may 143 covered transaction reports at tatlong suspicious transaction reports na nagkakahalaga ng P9.78 milyon. Hindi awtomatikong nangangahulugan ng ilegal na transaksyon ang mga ulat na ito.
Hinamon ni Kapunan ang depensa na ilabas ang export invoices, bank documents, shipment records at katibayan ng sinasabing paglilipat ng shares ni Carpio sa Cale88.
“Pinapatunayan mo na ang pinirmahan mo ay the truth and nothing but the truth,” ani Kapunan, kaugnay ng mga deklarasyon ng ari-arian at interes sa negosyo.
“Kung malinis ka Madam Vice President, madaling patunayan,” dagdag niya.
Magpapatuloy sa November 9 ang impeachment trial sa Senado para sa Article II, na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth, asset disclosures at business interests ni Duterte.
Wala pang napatutunayang treason o iba pang krimen kaugnay ng mga remittance.
“Saan galing ang pera at nasaan ang papeles?” hamon ni Kapunan. /Bistado


