Magsasagawa ng pilot testing ang Department of Transportation (DOTr) at Maritime Industry Authority (MARINA) sa paggamit ng electric ferries sa rutang Iloilo-Bacolod at hybrid vessels sa Batangas-Calapan para makatipid sa gasolina, mapababa ang operating costs at mabawasan ang polusyon.
“Ang gusto natin dito ay makita kung paano natin magagamit ang teknolohiyang ito sa Pilipinas at paano mabe-benepisyuhan ang mga pasahero, ship owners, at maging ang ating environment at kalusugan,” ani Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez.
Ang mga electric ferry ang pinag-aaralan para sa maiikling biyahe, habang ang mga hybrid vessel na gumagamit ng diesel engine at rechargeable batteries ang nakikita para sa mas mahahabang ruta.
Batay sa MARINA, umabot sa 69 milyon ang maritime passenger trips noong 2025. Sa humigit-kumulang 4,000 domestic passenger ships, nasa 300 interisland ferries ang responsable sa 86 porsiyento ng carbon dioxide emissions mula sa domestic ferries.
Ayon sa World Bank, maaaring mas mahal ng $10 milyon ang electric ferry kumpara sa conventional vessel, ngunit posibleng mabawi ang puhunan sa mas mababang fuel at operating expenses.
Tinatayang $25 milyon hanggang $50 milyon ang gastos sa gasolina ng isang conventional ferry sa loob ng 15 taon.
“If you extend the life cycle time for a 15-year operating cycle, you don’t need to increase the fares. The model has ensured that you can recover the cost without increasing the fares,” ani World Bank maritime transport specialist Ninan Biju Oommen.
Pinag-aaralan din ng MARINA ang pag-convert ng mga kasalukuyang barko sa electric o hybrid systems.
Nagpahayag naman ng kahandaan ang Archipelago Philippine Ferries Corporation na gawing electric ang isang FastCat vessel para sa pilot project.
Nakatakda ang stakeholder consultation sa Iloilo sa November 4 para talakayin ang teknolohiya, charging facilities, financing at mga paghahanda bago simulan ang pilot operations. /Bistado


