Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Tsupi! Chinese fishing vessel, 4 bangka itinaboy ng PCG sa Lawak Island

Itinaboy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang Chinese fishing vessel at apat nitong maliliit na bangka matapos maaktuhang nangingisda sa territorial sea ng Lawak Island sa Kalayaan, Palawan noong Huwebes, October 15.

Ayon sa PCG, nakaangkla sa karagatang sakop ng isla ang Chinese fishing vessel YUETAIYU 63168 nang rumesponde ang kanilang mga tauhan sakay ng rubber boat.

Namataan din ang apat na maliliit na bangkang pinaniniwalaang inilunsad mula sa Chinese mother vessel para mangisda sa lugar.

Paulit-ulit na hinamon sa radyo ng PCG ang Chinese vessel habang tatlong beses itong inikutan, ngunit hindi tumugon ang mga tripulante.

Dahil dito, itinaboy ng PCG ang apat na bangka at nanatili sa lugar hanggang umalis ang Chinese fishing vessel.

Bumalik ang maliliit na bangka sa mother vessel bago ito nag-angat ng angkla at tuluyang lumabas sa territorial sea ng Lawak Island.

Walang naitalang hindi magandang insidente sa operasyon.

Binigyang-diin ng PCG na bahagi ng Kalayaan, Palawan ang Lawak Island at ipinagbabawal ang unauthorized fishing ng mga dayuhang sasakyang pandagat sa territorial sea nito.

Lumalabag ang ganitong aktibidad sa Philippine Fisheries Code at Philippine Maritime Zones Act.

Hindi ito ang unang pagtataboy ng PCG sa mga Chinese vessel sa Kalayaan Island Group.

Noong September 28 at October 9, itinaboy din ang Chinese Maritime Militia Vessel 9622 at mga sampan nito mula sa Kota Island.

Sinundan ito ng pagtataboy sa limang dayuhang fishing vessel sa parehong isla noong October 11.

Patuloy namang minomonitor ng PCG ang YUETAIYU 63168 upang bantayan ang posibleng muling pagpasok nito sa karagatang sakop ng Pilipinas. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles