Posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa susunod na mga araw ang Typhoon Champi, na tatawaging Rosal, habang patuloy na magdadala ng ulan ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at easterlies sa malaking bahagi ng bansa.
Ayon sa 4 a.m. weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Sabado, October 17, inaasahan ang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Mindanao, Western Visayas, Negros Island Region, Cebu at Palawan dahil sa ITCZ.
Maulap na may isolated rainshowers at thunderstorms naman sa natitirang bahagi ng Visayas.
Dahil sa easterlies, makararanas din ng maulap na kalangitan na may scattered rains at thunderstorms ang Bicol Region, natitirang bahagi ng Mimaropa, Quezon at Aurora.
Samantala, isolated light rains ang inaasahan sa Batanes at Babuyan Islands dahil sa northeasterly windflow.
Sa Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon, partly cloudy hanggang cloudy skies na may isolated rainshowers o thunderstorms ang magiging panahon.
Patuloy namang binabantayan ng Pagasa ang Typhoon Champi sa labas ng PAR.
Bandang alas-3 ng madaling araw, namataan ang bagyo sa layong 2,675 kilometro silangan ng Eastern Visayas.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 140 kilometers per hour (kph) at bugso na hanggang 170 kph. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kph.
Inaasahang papasok sa PAR ang bagyo sa susunod na mga araw at tatawaging Rosal.
Batay sa forecast, posibleng maapektuhan nito ang silangang bahagi ng Luzon, partikular ang extreme Northern Luzon. /Bistado


