Handa na ang Philippine Football Federation (PFF) para sa kauna-unahang FIFA U15 World Cup & Festival na gaganapin Oktubre 24 hanggang 30 sa Azerbaijan.
Ito ang unang pagkakataon na bukas ang isang kompetisyon ng FIFA para sa mga kabataan sa lahat ng 211 miyembrong asosasyon nang hindi nangangailangan ng mga qualifying round.
Kabilang ang Pilipinas sa Group F kasama ang mga bansang Morocco at Liberia mula sa Africa, gayundin ang Costa Rica, Curaçao, at Belize mula sa North America.
Bukas ang torneo sa mga batang lalaking ipinanganak noong 2011 at 2012. Gagamitin dito ang 8v8 format, na may tig-20 minutong halves, sa Hovsan Competition Complex sa Baku.
Gaganapin naman ang pambungad na laban at mga finals ng bawat antas sa tanyag na Crystal Hall.
Halos 1,000 laban ang idaraos sa buong torneo, na lalahukan ng mahigit 3,000 manlalaro, coach, at opisyal mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Pagkatapos ng group stage, ilalagay ang mga koponan sa isa sa anim na antas batay sa kanilang performance para sa ikalawang yugto. Tinitiyak nito na magpapatuloy ang kompetisyon ng bawat koponan hanggang sa huling araw ng torneo.
“For our young players, stepping onto a FIFA stage is a very rare opportunity and we intend to make the most of it,” ani PFF president John Anthony Gutierrez. “This is a chance to show the world what our Regional Football Associations (RFAs), our youth national team programs, and PFF’s Talent Identification Program from here and abroad have been building together.”
Bubuuin ang delegasyon ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga natatanging manlalarong natukoy ng mga nangungunang RFAs sa bansa, mga mahuhusay na atleta mula sa kasalukuyang youth national team program, at mga talentong natuklasan sa mga talent identification camp sa ibang bansa.
Sa ganitong paraan, mabibigyan ng pagkakataon ang mga atletang mula sa grassroots football na makipagkompetensiya kasama ang ilan sa mga pinakamahuhusay na batang talento sa buong mundo.
Pinapayagan ang bawat delegasyon na magkaroon ng hanggang 20 miyembro, na binubuo ng 14 na manlalaro at anim na staff.
May karanasan na ang Pilipinas sa 8v8 format matapos itong ipatupad sa elementary boys’ tournament ng 2026 Palarong Pambansa noong Mayo, sa pakikipagtulungan sa Department of Education. Nagkampeon sa naturang kompetisyon ang Western Visayas.
Itinuring ng FIFA ang torneo bilang isang paraan upang mabigyan ang mga bansang matagal nang nahihirapang makapasok sa mga pandaigdigang kompetisyon ng tunay na pagkakataong subukan ang kanilang kakayahan laban sa mga koponan mula sa ibang bansa.
Susundan ito ng edisyon para sa mga babae sa 2027, at kapwa nakatakdang maging taunang torneo ang dalawang kompetisyon simula 2028.


