Malaking puhunan ang kailangan para tuluyang mabago ang agrikultura at makamit ang seguridad sa pagkain, pag-unlad sa kanayunan at katatagan ng ekonomiya, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Sa Food Security Forum ng Economic Journalists Association of the Philippines nitong Huwebes, July 23, sinabi ni Tiu Laurel na ilang dekadang kulang sa pondo ang sektor kahit inaasahang magpakain sa bansa, pumigil sa inflation at magbigay ng kabuhayan sa milyun-milyong Pilipino.
“Ang agrikultura ay hindi industriya para sa mga walang pasensiya,” ani Tiu Laurel. “Ang palay ay hindi tumutubo sa news cycles. Ang mais ay hindi tumutugon sa hashtags. Ang mga irigasyon ay hindi ginagawa ng isang magdamag lamang.”
Bumagsak umano ang bahagi ng agrikultura sa gross domestic product mula 19 porsiyento noong 2005 tungong 7.9 porsiyento makalipas ang dalawang dekada. Bagaman dulot din ito ng paglaki ng industriya at serbisyo, ipinakita umano nito ang matagal na kakulangan sa pamumuhunan.
Sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., halos dumoble ang budget ng Department of Agriculture (DA), mula P117 bilyon noong 2022 tungong humigit-kumulang P215 bilyon. Tinatayang aabot naman ito sa P250 bilyon sa 2027.
“Sa pamumuhunan nagsisimula ang reporma,” ani Tiu Laurel. “Bumibili ng tractors sa halip na magdahilan. Nagtatatag ng irigasyon sa halip na mga pangako.”
Ginagamit ang dagdag na pondo sa mekanisasyon, irigasyon, laboratories, hatcheries, cold-chain facilities, digital infrastructure at post-harvest systems. Pinalawak din sa P30 bilyon kada taon ang Rice Competitiveness Enhancement Fund para sa makinarya, certified seeds, solar irrigation, production inputs, ayuda at abot-kayang pautang.
Dinagdagan din ng P2 bilyon ngayong taon ang pondo ng Philippine Crop Insurance Corporation, habang P20 bilyon kada taon ang inilaan sa ilalim ng Animal Industry Development and Competitiveness Act para buhayin ang sektor ng hayupan, lalo na ang industriya ng baboy na sinalanta ng African swine fever.
Lumago nang 2.6 porsiyento ang agrikultura at pangisdaan noong 2025, pinakamabilis sa walong taon. Gayunman, halos kalahati ng mga lupang maaaring patubigan ay wala pa ring irigasyon, habang nananatiling problema ang mahal na logistics, kakulangan sa research funding at climate change.
Tututukan pa ng DA ang mechanization, irrigation, mega food hubs, agriports, hatcheries, artificial intelligence at satellite-based monitoring.
“Ang pag-unlad ay hindi dapat na nasusukat lamang kung ang bawat problema ay nalutas,” ani Tiu Laurel. “Dapat ito ay nasusukat kung tayo ba ay ganap ng nag-iinvest sa mga solusyon sa bawat pagsubok.” /Bistado


