Inilunsad ng Department of Agriculture (DA), katuwang ang South Korea, ang digital platform na gagamit ng real-time data at artificial intelligence (AI) para pabilisin ang ayuda sa mga magsasaka at bantayan ang supply at presyo ng pagkain.
Binuo ang Agriculture-Based Central Data Ecosystem (AbCDE) Platform kasama ang Ministry of Agriculture, Food and Rural Affairs (MAFRA) at Korea Agency of Education, Promotion, and Information Service in Food, Agriculture, Forestry and Fisheries (EPIS) ng South Korea.
Pagsasamahin ng platform ang magkakahiwalay na agricultural database para mabigyan ang policymakers, regional offices at frontline workers ng maaasahan at real-time na impormasyon. Target nitong mapahusay ang pagpaplano, paggawa ng polisiya at pagpapatupad ng mga programa.
“Sa loob ng maraming panahon, ang ating sektor ay nakipagbuno sa mahigit isang daang magkakahiwalay na digital na inisyatibang gumaganang mag-isa,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
“Ngayon, sa panimula ng Agriculture-Based Central Data Ecosystem Platform 1.0, kami ay nagsisimula sa paglalakbay tungo sa pagbabago sa serbisyo publiko.”
Sa halip na doble-dobleng records at magkakahiwalay na database, magkakaroon ang DA ng unified digital hub para beripikahin ang mga benepisyaryo, subaybayan ang mga programa at bantayan ang agricultural supply chain.
Ayon sa DA, pinaikli ng sistema nang 80 porsiyento ang paglulunsad ng bagong support program. Ang prosesong dating inaabot ng 26 araw ay maaari nang matapos sa limang araw, kaya mas mabilis na maihahatid ang binhi, fertilizer at tulong pinansiyal.
Gagamitin din ang AI sa pag-validate ng mga benepisyaryo, pag-alis ng duplicate entries at pagpapataas ng transparency para makarating ang tulong sa tamang tatanggap.
Sinabi ni Tiu Laurel na higit pa sa teknolohiya ang ambag ng South Korea sa proyekto.
“Ang hindi matawarang kakayahan ay nagbigay sa amin ng “super brain” upang epektibong imonitor ang supply chains at mapatatag ang mga presyo sa tamang oras,” aniya.
“Magsama-sama tayong maghasik ng buto ng digital revolution na magpapahusay sa kita ng mga magsasaka at masiguro ang seguridad sa pagkain para sa mga darating na henerasyon.”
Dinaluhan ang paglulunsad ng mga opisyal at regional director ng DA, kasama ang mga pangunahing ahensiyang nakatutok sa agrikultura at digital transformation. Inaasahang palalakasin ng iisang platform ang koordinasyon at pagtugon sa pangangailangan ng mga magsasaka at konsumer. /Bistado


