Mas pinadali ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagproseso ng mga buwis at dokumentong kailangan sa bentahan, donasyon, mana at iba pang transaksyon sa ari-arian.
Naglabas ang ahensiya ng Frequently Asked Questions (FAQs) tungkol sa One-Time Transaction (ONETT) Computation Sheet (OCS) at Electronic Certificate Authorizing Registration (eCAR).
Sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 75-2026, nilinaw ng BIR ang mga patakaran, dokumento, tamang tanggapan at processing period para sa bentahan ng lupa at gusali, paglilipat ng shares of stock, donasyon at settlement ng mana.
“Layunin ng FAQs na mabigyan ang mga taxpayer ng mas malinaw na gabay sa ONETT transactions, maisulong ang pare-parehong pagpapatupad ng mga umiiral na polisiya, at mapadali ang mas mabilis at mas episyenteng pagproseso ng OCS at eCAR applications,” ayon sa ahensya.
Gabay ang circular para sa mga taxpayer, mamimili, nagbebenta, tagapagmana, donor, abogado, broker at iba pang humahawak ng ONETT transactions.
Nakalagay dito ang mga buwis na dapat bayaran, paraan ng pagbabayad, kailangang dokumento at mga opisinang responsable sa pagproseso.
Sinagot din ng BIR ang mga karaniwang tanong tungkol sa pag-isyu, pagpapalit at validity ng eCAR.
Mahalaga ang eCAR dahil kailangan muna ito bago mairehistro sa Registry of Deeds at iba pang ahensiya ng gobyerno ang paglipat ng pagmamay-ari ng nabubuwisang ari-arian.
Hinikayat ng BIR ang publiko na basahin ang buong RMC No. 75-2026 bago magsumite ng aplikasyon para maiwasan ang kulang na dokumento at pagkaantala sa transaksyon. /Bistado


