Isinusulong ng Pilipinas at Malaysia ang planong paglalatag ng kable ng kuryente sa ilalim ng dagat na mag-uugnay sa Sabah at Mindanao, bilang bahagi ng pagpapalawak ng palitan ng enerhiya sa ASEAN.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bahagi ito ng progreso sa ASEAN Power Grid, na naglalayong pagdugtungin ang mga sistema ng kuryente ng mga kasaping bansa.
“And I am also happy to report that the first undersea cable for sharing of energy is going to be laid between Malaysia, Sabah in particular, and Philippines in Mindanao,” ani Marcos sa pagtatapos ng ASEAN Summit.
Isinulong din ang pagpapatupad ng pinalawak na Memorandum of Understanding sa ASEAN Power Grid, na magsisilbing batayan sa pagpaplano, regulasyon at koordinasyon ng mga koneksiyon ng kuryente sa rehiyon.
Sinabi ni Marcos na mahalagang magkaroon ng iba’t ibang pinagkukunan ng enerhiya upang makayanan ang pagkaantala ng suplay at biglang pagtaas ng pandaigdigang presyo.
Aniya, pinabilis ng tunggalian sa Middle East ang pagtalakay sa mga hakbang laban sa posibleng krisis sa enerhiya, kabilang ang pag-iimbak ng reserba katuwang ang Japan.
Napagkasunduan din nina Marcos at Japanese Prime Minister Sanae Takaichi na palalimin ang kooperasyon sa seguridad ng suplay ng langis, nuclear power at mga hakbang sa panahon ng energy emergency.
Sa ASEAN Plus Three Summit, pinagtibay naman ang deklarasyon sa maritime trade at logistics connectivity upang mapatatag ang suplay ng enerhiya at pagkain kapag may pagkaantala sa kalakalan. /Bistado


