Pinag-aaralan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na palawakin ang tax relief program nito para sa maliliit na negosyo matapos makinabang ang halos 4,000 micro taxpayers at umabot sa P266.79 milyon ang inalis na buwis at penalties sa loob lamang ng apat na buwan.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, posibleng isama sa One-Time Abatement Program ang small taxpayers na may taunang gross sales na P3 milyon hanggang mas mababa sa P20 milyon.
Sa kasalukuyan, mga micro taxpayer lamang na may annual gross sales na mas mababa sa P3 milyon ang kwalipikado.
“Sa ngayon, ang programa ay para sa micro taxpayers na may annual gross sales na mas mababa sa P3 million. Nakikita natin sa dami ng nag-avail na malaking tulong ang tax relief na ito para maayos nila ang kanilang mga obligasyon at tax records,” ani Mendoza.
Batay sa datos ng BIR hanggang October 24, umabot sa 3,929 taxpayers ang nakinabang sa programa.
Sa P266.79 milyong tax relief, P224.74 milyon ang compromise penalties at P42.05 milyon ang basic taxes.
Nakatanggap din ang BIR ng 17,101 applications, kung saan 15,050 ang naaprubahan, na sumasaklaw sa 45,341 tax at penalty items.
Sa ilalim ng programa, maaaring magbayad ng P5,000 abatement fee ang mga kwalipikadong micro taxpayer na may sakop na basic taxes at penalties na hindi lalampas sa P80,000 kada taxable year.
Kabilang sa sakop ang delinquent accounts, disputed at undisputed tax assessments, at open stop-filer cases hanggang December 31, 2025, maging ang mga negosyong nagsara na.
“Dahil dito, pinag-aaralan na rin natin ang pagpapalawak ng one-time tax abatement para maisama ang small taxpayers, o iyong may annual gross sales na P3 million hanggang mas mababa sa P20 million,” ani Mendoza.
Pinadali rin ng BIR ang pagbabayad sa pamamagitan ng updated Offline eBIRForms Package gamit ang BIR Form No. 0605.
Hanggang December 31, 2026 maaaring mag-apply sa kasalukuyang programa.
Wala pang pinal na desisyon o petsa ang BIR para sa pagpapalawak nito sa small taxpayers. /Bistado


