Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

TALON SA BAGONG BUHAY – Kabanata 16

Kabanata 16: Papunta na

Halos isang oras pa silang nanatili sa maliit na Vietnamese restaurant.

Hindi nagmamadali si Jiro.

Sa gitna ng mesa, halos ubos na ang malatang. Kaunti na lang ang natitirang sabaw sa palayok, ngunit ayaw pa ring tumayo ni Jiro.

“Insan, ubusin natin,” sabi niya habang hinihigop ang sabaw gamit ang kutsara.

“Sayang naman.”

Napangiti si Christian habang nakasandal sa upuan.

“Grabe ka, insan. Parang ayaw mo nang umuwi.”

“Masarap kasi,” sagot ni Jiro.

Sumalok siya ulit ng sabaw. Hinihipan niya ito bago ininom.

“Hindi ako sanay sa ganito.”

“Ano?”

“Yung… ang daming sahog.”

Tiningnan niya ang palayok na halos wala nang laman.

“Hipon, karne, gulay, kung ano-ano.”

“Parang fiesta sa isang palayok.”

Natawa si Christian.

“Ganun talaga, insan.”

“Hotpot yan e.”

Sumandal si Jiro at napangiti.

“Ang sarap talaga.”

Saglit siyang tumingin sa labas ng bintana. Dumadaan ang mga estudyante sa Maginhawa. May mga naglalakad na may hawak na milk tea. May mga nagkukuwentuhan sa sidewalk.

Pagkatapos ay napatingin siya ulit kay Christian.

“Pagkatapos nito,” sabi niya.

“Punta tayong La Vista?”

Bahagyang ngumiti si Christian.

“Oo.”

“Malapit na yun dito, insan.”

Tumango si Jiro.

Parang may kaba sa mukha niya pero may halong excitement.

Makalipas ang ilang minuto, hinigop ni Jiro ang huling kutsara ng sabaw.

Inikot niya ang kutsara sa palayok para siguraduhing wala nang natitira.

“Ubos,” sabi niya.

Tumayo sila.

Naglakad si Christian papunta sa counter para magbayad. Habang hinihintay ang sukli, saglit siyang tumingin sa cellphone niya.

Mabilis siyang nagtype.

“Papunta na kami.”

Pinindot niya ang send.

Ang mensahe ay para sa tatay niya.

Si Monching.

Ibinulsa niya ang cellphone bago bumalik sa mesa.

“Ready na, insan?” tanong niya.

“Oo.”

Lumabas sila ng restaurant at naglakad papunta sa asul na Toyota Vios.

Samantala, sa La Vista.

Tahimik ang malaking bahay sa loob ng subdivision.

Sa loob ng master bedroom, nakatayo si Claire De Dios sa harap ng isang full-length mirror.

Inaayos niya ang kanyang buhok. Pinaplantsa niya ang laylayan ng kanyang blouse gamit ang kamay.

Sa likod niya ay nakatayo si Monching.

May hawak siyang cellphone.

“Sen,” sabi niya.

“Antabay.”

Napatingin si Claire sa kanya.

“Papunta na sila.”

Saglit na natahimik ang kwarto.

Huminga nang malalim si Claire.

“This is it,” mahina niyang sabi.

Matagal na nilang pinagplanuhan ang araw na ito.

Ilang buwan matapos ilibing ang kanyang ama na si dating senador Luis De Dios, saka nila sinimulan ang plano.

Ang unang pagkikita nilang muli ng anak niyang si Jiro.

Mula sa pinakamaliit na detalye.

Kung kailan darating ang sulat.

Kung kailan maglalakad si Jiro.

Kung kailan siya makakasalubong ni Christian.

Pinlano nila lahat.

Walang dapat magkamali.

Bumaling si Claire kay Monching.

“Kaya ba niya?” tanong niya.

Tumango si Monching.

“Kaya niya, Sen.”

Balik sa loob ng asul na Vios.

Nakasakay na ulit sina Jiro at Christian.

Umandar ang kotse palabas ng Maginhawa Street.

“Insan,” sabi ni Jiro habang nakatingin sa kalsada.

“Gaano katagal papuntang La Vista?”

“Sandali lang talaga,” sagot ni Christian.

“Malapit na.”

Tumango si Jiro habang nakatingin sa labas ng bintana.

Mga jeep. Mga tricycle. Mga tindahan.

Unti-unti silang lumalayo sa masikip na kalsada ng Maginhawa.

Sa loob ni Christian, may sarili siyang usapan.

Eto na.

Papunta na tayo sa exciting part.

Pinisil niya nang bahagya ang manibela.

Sa unahan nila, naghihintay ang La Vista. /Itutuloy sa susunod na kabanata

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles