Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

TALON SA BAGONG BUHAY – Kabanata 14

Kabanata 14: Ang kumukulong sabaw

Pagkapasok nila sa maliit na Vietnamese restaurant sa Maginhawa, agad silang pinaupo ng isang waiter sa mesa sa gilid ng bintana. May maliit na kalan sa gitna ng mesa at isang bilog na metal na palayok na nakapatong sa ibabaw nito.

Bago iyon kay Jiro.

Hindi siya sanay sa ganitong kainan. Karaniwan sa kanya, bibili ng ulam sa karinderya o kaya pandesal sa bakery.

Lumapit ang waiter at nagtanong ng order. Si Christian ang nagdesisyon.

“Dalawang malatang set,” sabi niya.

Tumango ang waiter at maya-maya ay nagsimulang dumating ang mga plato ng sahog. May hiwa-hiwang karne. May hipon. May dahon ng gulay. May mga bilog-bilog na parang squidballs. May tofu. May pansit na manipis.

Pinagmamasdan iyon ni Jiro na parang nanonood ng palabas.

Pagkatapos ay inilagay ng waiter ang sabaw sa palayok at sinindihan ang kalan.

Napakunot ang noo ni Jiro.

“Insan,” tanong niya.

“O?”

“Magbabayad tayo tapos tayo pa magluluto?”

Humagalpak ng tawa si Christian.

“Part yan ng experience, insan.”

Napakamot si Jiro sa ulo.

“Ah ganon ba.”

Maya-maya ay nagsimula nang kumulo ang sabaw.

Isa-isa nilang inilagay ang sahog. Hipon. Hiwa ng karne. Gulay. Mga bola-bola na hindi alam ni Jiro kung ano.

Halos hindi makapaniwala si Jiro sa dami ng laman ng palayok.

“Sari-sari pala to, insan,” sabi niya.

Tumango si Christian habang hinahalo ang sabaw.

“Ganun talaga.”

Nang tuluyang kumulo ang sabaw, hindi na nakatiis si Jiro. Kumuha siya ng maliit na sandok at sumalok ng kaunti sa mangkok.

Dahan-dahan niya itong hinipan bago tikman.

Pagkatapos ay biglang lumiwanag ang mukha niya.

“Ang sarap, insan!”

Napangiti siya habang ngumunguya.

“Ito na yata ang pinakamasarap na pagkain na nakain ko sa buong buhay ko.”

Napatawa si Christian habang pinagmamasdan siya.

“Dahan-dahan lang, insan. Mainit pa yan.”

Nagpatuloy sa pagkain si Jiro. Tikim dito, tikim doon. Parang bata na nakadiskubre ng bagong laro.

Ilang sandali pa, napahinto siya.

Napatingin siya sa mesa.

“Asan ang kanin?” tanong niya.

Natawa si Christian.

“Gusto mo ba?”

“Oo naman.”

“Pag kumakain nito usually walang kanin,” sabi ni Christian. “Pero pwede naman umorder.”

Napakamot si Jiro sa ulo.

“Kahit walang kanin masarap pa rin.”

Habang kumakain sila, nagkunwaring casual si Christian.

“So insan,” sabi niya habang nagsasalin ng sabaw sa mangkok ni Jiro.

“Anong bago sayo?”

Natigilan si Jiro.

Saglit siyang tumingin sa kumukulong palayok.

Hindi niya alam kung sasabihin niya.

Ang daming gumugulo sa isip niya mula kaninang umaga.

Pero si Christian ang pinakapinagkakatiwalaan niyang kaibigan.

Kung may makakaintindi, siguro siya.

Huminga siya nang malalim.

“Insan…”

Nag-angat siya ng tingin.

“Di pala ako anak ng nanay ko.” /Itutuloy sa susunod na kabanata

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles