Kabanata 13: Ang papel ni Christian
Pinagmukha ni Christian na bigla lang niyang namataan si Jiro sa kalsada.
Pero planado ang lahat.
Planado naman talaga ang halos bawat sandali ng kanilang pagkikita. Mula pa noong bata pa sila.
Habang nagmamaneho ng asul na Toyota Vios sa kahabaan ng kalsada, panay ang sulyap ni Christian kay Jiro na tahimik na nakaupo sa passenger seat.
Hindi alam ni Jiro ang buong kuwento.
Si Christian ang kaisa-isang anak ni Monching, ang isa sa pinakamatagal at pinaka-pinagkakatiwalaang aide ni Senator Claire De Dios.
Sa mundo ng pulitika, hindi basta-basta ang tiwala.
At sa loob ng maraming taon, napatunayan iyon ni Monching.
Ngunit may isa pang dahilan kung bakit lalo siyang pinahahalagahan ng senador.
Ang kanyang anak.
Bata pa lamang si Christian nang unang ipagawa sa kanya ng ama ang isang gawain.
Magmatyag.
Kilalanin si Jiro.
Lumapit. Makipagkaibigan. Manatiling malapit.
Si Christian ang ginawang tulay.
Sa bawat laro. Sa bawat misa. Sa bawat kwentuhan sa likod ng simbahan.
Matalino si Christian. Mabilis matuto. At mahusay umarte.
Hinasa iyon ni Monching.
Kung ano ang sasabihin. Kung kailan tatawa. Kung paano maging natural sa harap ng batang hindi alam na may mas malaking kuwento sa likod ng kanilang pagkakaibigan.
Pero sa paglipas ng panahon, may nangyari na hindi inaasahan ng ama niya.
Naging totoo ang pagkakaibigan.
Sa dami ng oras na magkasama sila ni Jiro, natutunan niyang tingnan ang kaibigan hindi bilang misyon kundi bilang tao.
Nakikita niya ang bahay sa Tatalon. Ang kariton. Ang mga lakad sa ilalim ng araw.
Unti-unting pumasok ang awa.
Isang pakiramdam na hindi dapat ganito kahirap ang buhay ng kaibigan niya.
Ngunit ngayon, may bagong utos.
May bagong papel.
Nagpatuloy ang takbo ng kotse.
“San ka ba kasi papunta, insan?” tanong ni Christian habang hawak ang manibela.
Nagkibit-balikat si Jiro.
“Ah… maglalakad-lakad lang sana.”
Napatingin si Christian sa kanya.
“Asus, insan. Sa highway talaga naglalakad? May dadalawin kang chicks no?”
Napailing si Jiro.
“Wala ah.”
“Oo nga?” natatawang sabi ni Christian.
“Baka naman may nililigawan ka diyan.”
“Wala nga, insan.”
Ngumiti si Christian habang tumitingin sa kalsada.
“Grabe, insan. Ang tagal na nating di nagkita. Kumusta ka na?”
“Ganun pa rin.”
“Ganun pa rin?” ulit ni Christian.
“Nangangalakal pa rin.”
Tahimik sandali ang loob ng kotse.
Pagkatapos ay pumasok ang sasakyan sa Maginhawa Street.
Masikip ang kalsada. Maraming tao. Maraming maliliit na restaurant na magkakatabi.
Nagpark si Christian sa tabi ng isang maliit na Vietnamese restaurant.
Lumabas sila ng kotse.
Pagpasok nila sa loob, malamig ang hangin mula sa aircon at amoy sabaw na may mga pampalasa.
Umupo sila sa isang mesa sa tabi ng bintana.
“Insan,” sabi ni Christian habang binubuksan ang menu.
“Nakakain ka na ba ng malatang?”
Napakunot ang noo ni Jiro.
“Malata?”
“Oo.”
“Malata… kanin?” sagot ni Jiro.
“Uy, pag nagsasaing ako hindi malata ha, insan.”
Napahagalpak ng tawa si Christian.
“Hindi yun!”
“Malatang,” ulit niya.
“Parang sabaw. Pero masarap. Maraming sahog.”
Napakamot si Jiro sa ulo.
“Ah hindi pa, insan.”
“Mahal ata yan.”
Napatingin siya sa paligid ng restaurant.
“Syempre mga kenaford lang nakakakain niyan.”
Natawa ulit si Christian.
“Lika na nga, insan.”
Hinila niya ang menu palapit kay Jiro.
“Order ka ng marami. Libre ko.” /Itutuloy sa susunod na kabanata


