Kabanata 8: Muni-muni sa paglalakad
Habang naglalakad si Jiro, tinatantiya niya ang layo.
Wala namang sigurong sampung kilometro mula G. Araneta hanggang La Vista. Pero hindi biro ang lakad sa Kamaynilaan. Highway dito, flyover doon. Mga kalsadang para lang sa kotse, hindi para sa mga paa.
“Hindi talaga para sa naglalakad ang siyudad na ’to,” naisip niya.
Bago tuluyang magtungo sa Katipunan, dumaan muna siya sa barong-barong nila sa Tatalon. Kailangan niyang iwan ang kariton.
Nadatnan niya si Esther sa labas, nakaupo sa maliit na bangko habang naglalaba. Ang kamay nito mabilis ang kuskos sa damit, pero halatang mabigat ang isip.
“O saan ang lakad mo?” halong pabulong na tanong nito.
Namumugto ang mata. Halatang kakaiyak lang.
“D’yan lang,” sagot ni Jiro, hindi tumitingin nang diretso.
Hindi na siya nagpaalam pa. Ayaw niyang madagdagan ang bigat ng usapan.
Paglabas niya muli sa kalsada, pakiramdam niya parang mas malawak ang mundo kaysa dati.
Ilang minuto pa lang siyang naglalakad nang marating niya ang kanto ng E. Rodriguez. Doon, may dalawang babaeng naka-unipormeng pang-nurse na naglalakad papunta sa sakayan.
Masikip ang kanilang puting kamisa, at tila hindi maitago ng tela ang hubog ng kanilang katawan.
Napalingon si Jiro.
Napalunok siya.
Hindi pa siya nagkakasyota kahit kailan. Pero matagal na niyang napapansin ang kakaibang pagyanig sa loob ng katawan niya tuwing nakakakita siya ng mga babaeng maalindog.
Parang may apoy na biglang sinisindihan sa loob ng kanyang kalamnan. Hindi niya maipaliwanag, pero alam niyang bahagi iyon ng paglaki.
Mabilis siyang napailing at nagpatuloy sa paglalakad.
Pagdating niya sa Broadway Avenue, may isang pader ng gusali na gawa sa makintab na salamin. Napahinto siya roon.
Ginawa niyang pagkakataon iyon para tingnan ang sarili.
Pinagmasdan niya ang repleksyon.
Medyo maputi siya—pero naging moreno na sa kakabilad sa araw habang nangangalakal. Matangkad, medyo payat pero may lakas sa balikat dahil sa pagtulak ng kariton.
Napansin niya rin ang mga mata niya.
Bahagyang singkit.
Iba sa mata ng nanay niyang si Esther na malalaki at bilog.
“’Oo nga ano,” bulong niya sa sarili. “Medyo hindi nga kami magkahawig.”
Napakamot siya sa ulo.
“Bakit nga ba di pa ’ko nagkakasyota?”
Tinitigan niya muli ang sarili sa salamin.
“Sa itsura? Gwapo naman ako ah.”
Napangiti siya nang kaunti.
“Ah… dahil wala akong perang pang-date.”
Napabuntong-hininga siya at muling naglakad.
Sa bawat hakbang, mas lumalapit siya sa Katipunan—at sa sagot sa tanong kung sino ba talaga siya. /Itutuloy sa susunod na kabanata


