Kabanata 7: Lakad papunta saan?
“Hoy! Tanga ka ba?!”
Napaatras si Jiro habang dumadaan ang jeep na halos sumayad na sa tuhod niya. Malakas ang preno, sumingit ang amoy ng goma at usok sa hangin.
Lumabas ang ulo ng driver sa bintana. “Nasa gitna ka ng kalsada! Gusto mo bang magpakamatay?”
Napakamot si Jiro sa ulo. “Pasensya na po.”
“Pasensya? Kung nasagasaan kita, ako pa makukulong!” sigaw ng driver, bago muling umarangkada ang jeep.
Napabuntong-hininga si Jiro habang hinahatak ang kariton papunta sa gilid ng kalsada. Ramdam niya pa rin ang mabilis na tibok ng puso niya.
“Ganito na lang ba palagi?” tanong niya sa sarili.
Magpapantasya. Mananaginip ng gising. Tapos babalik sa katotohanan. Sa Tatalon. Sa pangangalakal. Sa amoy ng plastik at lata.
Napahinto siya nang maalala ang dalawang sulat sa bulsa niya. Dahan-dahan niyang hinipo ang papel, parang may sariling init ang mga iyon.
La Vista, Quezon City.
Napatingin siya sa direksyon ng Katipunan Avenue, kahit hindi naman iyon kita mula roon.
Ano kaya ang itsura doon?
Nakita niya sa isip ang matataas na gate, ang mga bahay na parang hotel, ang mga kotse na kasing presyo ng buong eskinita nila.
“Punta kaya ako doon?”
Hindi pa siya nakapunta sa La Vista. Pero sa Katipunan Avenue—oo. Minsan nakarating siya doon nang magbenta sila ng bote sa may mga karinderya.
Naalala niya kung gaano katrapik doon. Mahaba ang kalsada, punong-puno ng bus at jeep at kotse.
Kung lalakarin niya mula G. Araneta… halos dalawang oras din.
Malayo.
Pero hindi imposible.
Napangiti siya nang maalala ang isang beses na naglakad siya mula Quezon City hanggang Alabang. Walang pamasahe noon. Kaya nilakad na lang.
Kung nagawa niya iyon, mas kaya niya ito.
Tinitigan niya ang kariton, saka ang direksyon ng Katipunan.
“Silip nga ako.”
At sa unang pagkakataon sa araw na iyon, parang may bago siyang pupuntahan. /Itutuloy sa susunod na kabanata


