BAIS CITY, Negros Oriental—SIYAM na buwan matapos ang malaking pagtagas ng ethanol wastewater sa Tañon Strait, patuloy umanong lumalala ang pinsala sa Bais Bay, ayon sa pagsusuri ng mga marine scientist mula sa Silliman University.
Sa assessment report, umabot sa 69 porsiyento ng kabuuang coral cover sa ilang sinuring reef area ang mga coral na kamakailan lamang namatay.
Ang Tañon Strait ay mahalagang marine passage na humigit-kumulang 160 kilometro ang haba at naghihiwalay sa Cebu at Negros. Ito ang pinakamalaking marine protected area sa Pilipinas na sumasaklaw sa 534,589 ektarya.
Kilala ang strait sa mayamang biodiversity at nagsisilbing pangunahing tirahan ng 14 species ng dolphin at whale.
Nagmula umano ang wastewater sa containment lagoon na pinatatakbo ng Universal Robina Corporation-Sugar and Renewables (URC-SURE), na nasira noong October 2025.
Isinagawa ang field assessments ng Institute of Environmental and Marine Sciences (IEMS) at Angelo King Center for Research and Environmental Management (SUAKCREM) ng Silliman University, kasama ang kanilang mga partner.
Iniharap ang pinagsamang ulat sa online forum na inorganisa ng Oceana at Oceanus Conservation.
Ayon sa report, may causal link ang matagal na paglabas ng vinasse sa paghina ng benthic habitats ng Bais Bay. Ang vinasse ay byproduct ng ethanol production na may mataas na organic load.
Pinangunahan ni Dr. Aileen Maypa, isang Pew Fellow in Marine Conservation, ang ecological scientific team. Nagpakita sila ng water-quality results at mga larawan ng bagong namatay na coral colonies at lumalalang seagrass sa North Bais Bay.
Ipinaliwanag ng report na nagaganap ang eutrophication, isang proseso kung saan dumarami ang algae at phytoplankton at nakikipag-agawan ang mga ito sa dissolved oxygen na kailangan ng isda, coral at seagrass.
“If the spill is not halted, the organic matter from the wastewater spill will continue to feed on the algal bloom. These algae and phytoplankton compete for the oxygen in the water that corals, seagrass and fish should be getting. That explains the deterioration and death of these marine habitats and the reported fish kill,” sabi ni Maypa.
Ayon sa kanya, hinaharangan din ng maitim na tubig at algal bloom ang liwanag na kailangan ng coral at seagrass para makagawa ng pagkain. Nagbabala siyang posibleng umabot sa puntong matagal o imposible na ang natural recovery ng ecosystem.
Sinabi rin ni Maypa na walang saysay ang restoration efforts kung hindi mapipigil ang pinagmumulan ng spill.
Nagbigay naman ng mga obserbasyon si Ricardo Aguilar, pangulo ng Fisherfolk Association of Manjuyod-Bais. Ayon sa kanya, patuloy na nakikita ng mga mangingisda ang pagdaloy ng effluent mula sa drainage canals ng planta patungo sa dagat.
“Pagkatapos ng October 2025, sabi nila, wala nang dumaan na waste. Pero nakita namin sa gilid ng highway, papunta sa may Taytay sa Alangilanan, doon sa canal, derecho sa sapa, derecho sa dagat. Palagi namang nag-leak ang lagoon nila. Mag high tide o low tide magpula ang tubig, derecho yan sa dagat,” ani Aguilar.
Sinabi ni Maypa na kinumpirma sa kanya ng isang biologist ng Tañon Strait Protected Seascape (TSPS) na may isa pang fish kill na naiulat noong May.
“If there was a fishkill again, then there must have been another spill,” sabi niya.
Nakakita rin ng red tide cells ngunit mababa umano ang density. Sa kabila nito, iginiit ni Maypa ang mas mahigpit na pagbabantay sa seafood safety.
“Personally, I will be very cautious before I put something in my mouth, coming from Bais Bay,” dagdag niya.
Nanawagan si Atty. Rose-Liza Eisma-Osorio, senior director for campaigns and policy ng Oceana, sa lokal na pamahalaan at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pigilan agad ang spill dahil apektado ang pagkain at kabuhayan ng mga baybaying komunidad.
“The findings presented are not merely academic in nature; these constitute material evidence that is directly relevant to regulatory compliance, enforcement action, and the determination of legal responsibility. That is why we need to emphasize the precautionary principle and the polluter pays principle, both of which are firmly embedded in Philippine environmental policy,” ani Osorio.
Sinabi ni Bais City local government representative Daisy Marie Gesim na nakikipag-ugnayan sila sa TSPS Management Body para ipatupad ang pagsasara ng lagoon.
Ayon naman kay TSPS representative Atty. Chad Ian Rubio, kailangan ng resolusyon mula sa Protected Area Management Board (PAMB) para mapatigil ang paglabas ng wastewater sa Bais Bay.
Kinumpirma ng DENR na walang kinakailangang permit at operational clearance ang containment lagoon na nasira noong October 2025.
Sinabi ni Aguilar na takot nang mag-ani ng seaweed ang mga mangingisda dahil sa lawak ng pinsala sa kanilang mga taniman.
“Kawawa naman ang mga mananagat kasi wala nang ikinabubuhay. Kung merong isda, hindi naman nabibili. Lagi kami ang nagtitiis. Ang mga anak ng mga mananagat, hindi na makaeskwela. Ang gobyerno, oo lang ng oo pero wala namang ginagawa. Ang mga pulitiko maganda lang pag malapit na ang eleksyon. Tulong kami pero pag andyan na, hindi na kami pinapansin,” hinaing niya.
Nanawagan si Oceana Vice President Von Hernandez sa pamahalaan at mga kinauukulang ahensya na kumilos para pigilan ang karagdagang pagkasira at simulan ang rehabilitasyon ng Tañon Strait.
“Where scientific evidence demonstrates significant risk or actual harm, regulatory agencies are obligated to take timely and decisive action to prevent further degradation and begin full environmental restoration. We call on the national government and other concerned agencies to respond with urgency in ensuring that the Tañon Strait, the largest marine protected seascape in the country – is never again treated as a sacrifice zone,” ani Hernandez. /Bistado


