Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Mbappe naungusan si Messi para sa World Cup Golden Boot award

Si France striker Kylian Mbappe ang naging unang manlalaro na dalawang beses nagwagi ng World Cup Golden Boot, habang nasungkit naman ng kampeong Spain ang iba pang pangunahing indibidwal na parangal, kabilang ang Golden Ball na napunta sa kapitan nitong si Rodri.

Ibinigay ang mga award matapos talunin ng Spain ang Argentina, 1-0, sa extra time sa New York New Jersey Stadium sa New Jersey, Estados Unidos noong Linggo (Lunes ng umaga, oras sa Pilipinas).

Tinapos ni Mbappe ang 2026 World Cup bilang nangungunang scorer ng torneo matapos umiskor ng 10 goal sa walong laban, na nalampasan ang Argentina captain na si Lionel Messi na nagtala ng walong goal.

Matapos mapanalunan ang Golden Boot sa Qatar 2022 sa bisa ng walong goal, naging kauna-unahang manlalaro ang 27-anyos French star na matagumpay na ipinagtanggol ang naturang parangal.

Dahil sa kanyang 10 goal, siya rin ang naging unang manlalaro mula pa noong umiskor ng 10 goal sa iisang World Cup si Gerd Muller ng West Germany noong 1970.

Tanging sina Just Fontaine ng France na may 13 goal noong 1958 at Sandor Kocsis ng Hungary na may 11 goal noong 1954 ang nakahigit sa kanya sa pinakamaraming goal sa isang edisyon ng torneo.

Naging all-time leading scorer din si Mbappe sa kasaysayan ng men’s World Cup matapos umiskor ng dalawang goal sa 6-4 pagkatalo ng France sa England sa third-place playoff noong Sabado.

Umabot sa 22 ang kanyang career World Cup goals, lamang ng isa kay Messi.

Nagtabla sa ikatlong puwesto sa talaan ng mga scorer sina Jude Bellingham ng England at Erling Haaland ng Norway matapos kapwa makaiskor ng tigpitong goal, habang nagtapos naman sina Ousmane Dembele ng France at England captain Harry Kane na may tig-anim na goal.

Tinanghal na pinakamahusay na manlalaro ng torneo si Rodri matapos pangunahan bilang kapitan ang Spain sa ikalawa nitong World Cup title.

Napunta naman kay Messi ang Silver Ball, habang tinanggap ni Mbappe ang Bronze Ball.

Nasungkit ni Spain goalkeeper Unai Simon ang Golden Glove matapos magpahintulot lamang ng isang goal sa walong laban at makapagtala ng pitong clean sheets.

Samantala, kinilala ang 19-anyos na Spain defender na si Pau Cubarsi bilang pinakamahusay na batang manlalaro ng torneo matapos maglaro sa bawat minuto ng kampanya ng mga kampeon.

Si Messi, edad 39, ang naging pinakamatandang manlalaro sa World Cup finals.

Siya rin ang ikalawang manlalaro na naglaro sa tatlong finals, una noong 2014 nang matalo ang Argentina sa Germany 0-1, ginanap sa Brazil; at sinundan noong 2022 nang talunin ng Argentina ang France sa penalties, 4-2, ginanap sa Qatar.

Ang una ay si Cafu ng Brazil noong 1994, 1998, 2002.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles