PAGADIAN CITY – Nabawi ng mga awtoridad ang tinatayang P6.9 milyong halaga ng umano’y smuggled at untaxed cigarettes na inabandona sa isang bakanteng lote sa Barangay Muricay, Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Nadiskubre ang mga sigarilyo sa magkasanib na operasyon ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Customs (BOC), Philippine Army (PA) at iba pang law enforcement partners madaling-araw nitong Huwebes, July 16.
Kumilos ang mga tauhan ng Pagadian City Police Station at mga katuwang na ahensya matapos makatanggap ng beripikadong impormasyon tungkol sa kontrabando.
Narekober sa lugar ang 40 master cases at 240 reams ng iba’t ibang brand ng sigarilyo.
Walang taong naabutan sa bakanteng lote. Patuloy pang inaalam kung sino ang nag-iwan ng kargamento at kung saan ito nagmula.
Agad na isinailalim sa inventory ang mga sigarilyo sa harap ng mga kinatawan ng BOC at local officials. Dinala naman ang mga ito sa kustodiya ng pulisya para sa dokumentasyon at wastong disposisyon.
Batay sa paunang assessment ng BOC, nagkakahalaga ng P6,908,000 ang nakumpiskang sigarilyo.
Nagsasagawa na ang mga awtoridad ng mas malalim na imbestigasyon para matukoy ang pinagmulan ng umano’y kontrabando at makilala ang mga taong responsable sa pag-abandona ng shipment. /Bistado


