Lalo pang pinatibay ng cross-examination ng depensa ang testimonya ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag tungkol sa umano’y pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at kanyang pamilya, ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon nitong Miyerkules.
Naglabas ng pahayag si Ridon matapos tapusin ni defense counsel Atty. Mark Vinluan ang pagtatanong kay Matibag, ang ikatlo at huling testigo ng prosekusyon mula sa NBI para sa Article IV ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
“Salamat sa pagtatanong ni Atty. Mark Vinluan kay NBI Director Matibag. Lalong lumakas ang testimonya niya na mayroong aktwal na pagbabanta ang Pangalawang Pangulo laban sa Pangulo at kanyang pamilya, at tuloy-tuloy na pagbabanta laban sa Pangulo mula sa Pangalawang Pangulo at kanyang pamilya,” ani Ridon.
Tumestigo si Matibag hinggil sa imbestigasyon at pagsusuri ng NBI sa umano’y pagbabanta ni Duterte laban kina Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ayon kay Ridon, nabigyan si Matibag ng pagkakataong muling ilahad ang findings ng NBI at ipaliwanag kung bakit patuloy na seryoso ang pagtingin ng ahensiya sa mga alegasyon.
“Sa kanya ring pagtatanong, napalitaw na talagang betrayal of public trust ang naging gawi ng Pangalawang Pangulo laban sa Pangulo,” ani Ridon.
Kabilang ang betrayal of public trust sa mga batayang konstitusyonal na nakasaad sa Article IV. Pagtataya ito ng prosekusyon sa naging testimonya. Ang mga senator-judge pa rin ang magpapasya sa bigat ng ebidensiya at kung napatunayan ang mga alegasyon laban kay Duterte.
Iginiit ni Ridon na nakatulong sa prosekusyon ang cross-examination dahil direktang nasagot ni Matibag ang mga tanong ng abogado ni Duterte tungkol sa imbestigasyon.
“Salamat at nakahanap kami ng kakampi mula sa depensa. Akala namin kalaban, kakampi pala, kaya maraming salamat,” ani Ridon. /Bistado


