Ibinuhos ng England ang sama ng loob sa France, 6-4, upang magtapos sa ikatlong puwesto sa 2026 FIFA World Cup sa Miami Stadium na ginanap sa Estados Unidos Sabado ng umaga (oras sa Pilipinas).
Mainit ang simula ng England matapos makuha ang kalamangan sa loob lamang ng tatlong minuto.
Sinamantala ni Declan Rice ang maling pasa ni Desire Doue, mabilis na sumalakay patungo sa penalty area ng France at pinakawalan ang malakas na kanang tira patungo sa goal.
Ito ang pinakamabilis na goal ng England sa isang kompetitibong laban mula nang umiskor si Luke Shaw sa loob ng dalawang minuto sa UEFA EURO 2020 final laban sa Italy.
Dinoble ng Three Lions ang kanilang kalamangan sa 18th minutes sa pamamagitan ni Ezri Konsa. Tinalunan ng depensa si Adrien Rabiot upang salubungin ang cross sa pamamagitan ng isang malakas na header at dahil walang nagbantay sa poste, napanood na lamang ni Mike Maignan ang pagpasok ng bola sa goal.
Nagdagdag pa ang England ng ikatlong goal sa 37th minute matapos ang isang napakabilis na counterattack. Nagsimula ang opensiba sa napakahusay na save ni Dean Henderson, kung saan unang napigilan sina Marcus Rashford at Bukayo Saka bago sinamantala ng winger ng Arsenal ang ikalawang pagkakataon at mahinahong naipasok ang bola.
Muling umiskor si Saka sa unang minutong dagdag na oras ng first half upang makumpleto ang kanyang brace.
Nagbigay si Eberechi Eze ng eksaktong timbang na pasa sa direksyon ng winger at hinayaang dumaan ni Saka ang bola sa kanyang katawan bago ang tira sa sulok ng goal sa ika-45+1 minuto.
Sinamantala pa ng England ang kahinaan ng depensa ng France at nagtayo ng apat na goal na kalamangan bago matapos ang unang kalahati, kung saan tampok ang dalawang goal ni Saka.
Ito ang unang pagkakataon na nakalusot ang apat na goal laban sa France sa first half ng isang laban mula pa sa European Championship qualifier kontra Yugoslavia noong Abril 1968.
Agad namang nakabawi ang France matapos ang halftime. Naka-iskor si Kylian Mbappe sa 48th minute upang buhayin ang pag-asa ng Les Bleus.
Lalong lumakas ang paghabol ng France makalipas ang anim na minuto nang tapusin ng half-time substitute na si Bradley Barcola ang isang mapaminsalang counterattack sa pamamagitan ng malakas na tira sa 54th minute.
Mas lalo pang lumiit ang lamang ng England sa 66th minute matapos ang isa na namang magandang opensa. Nagpalitan ng mabilis na one-two passes sina Mbappé at Michael Olise sa gilid ng penalty area bago umikot ang kapitan ng France at maingat na ipinasok ang bola sa ibabang sulok ng goal.
Dahil sa goal na iyon, nalampasan ni Mbappé si Lionel Messi ng dalawang goal sa karera para sa Golden Boot at lumamang ng isa sa Argentine sa talaan ng pinakamaraming goal sa kasaysayan ng World Cup.
Habang tila papalapit na ang France sa England, nakumpleto ni Saka ang kanyang hat-trick matapos maipasok ang penalty na iginawad matapos matisod si Spence bunga ng foul ni Gusto sa 87th minute.
Hindi pa sumuko ang Les Bleus. Naka-iskor si Ousmane Dembele sa ika-90+6 minuto matapos ang mahusay na preparasyon ni Dayot Upamecano upang muling bigyan ng pag-asa ang France.
Ngunit habang pilit na hinahabol ng France ang tabla, rumatsada si Jude Bellingham mula sa gitna ng field, nalusutan si Maxence Lacroix pagpasok sa penalty area at pinakawalan ang isang malakas na tira sa ibabang sulok ng goal para sa ika-10 goal ng laban at ikaanim ng England sa huling sandali ng laro.
Ito ang pinakamahusay na pagtatapos ng England mula nang magkampeon noong 1966 kontra Germany, 4-2, sa home court sa Wembley Stadium, London.
Ang France ay World Cup champion noong 1998 kung kailan sila ang host (tinalo ang Brazil, 3-0) at 2018 sa Moscow, Russia (tinalo ang Croatia, 4-2).


