Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Angara, gabinete, pinabilis rehabilitasyon ng mga paaralan sa Davao Occidental

DAVAO OCCIDENTAL – Pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara, kasama ang iba pang miyembro ng gabinete, ang assessment sa mga paaralang napinsala ng magkakasunod na lindol, flash flood at landslide sa Davao Occidental.

Kasama sina Cabinet Secretary Benhur Abalos at Public Works Secretary Vince Dizon, ininspeksyon ni Angara ang mga pasilidad sa Jose Abad Santos. Sinuri nila ang pinsala at pangangailangan ng mga mag-aaral, guro at pamilyang lumikas.

“Napakalinaw ng direktiba ng ating Pangulong Bongbong Marcos: hindi pwedeng maghintay ang edukasyon, kaya dapat nating maibalik sa normal ang sitwasyon dito sa lalong madaling panahon,” ani Angara. “Nandito tayo para tiyakin na tuluy-tuloy ang pag-aaral ng mga bata sa kabila ng krisis,” dagdag niya.

Noong June 8, tumama ang magnitude 7.8 na lindol na nakasentro sa Maasim, Sarangani. Sinundan ito ng flash flood at landslide sa Jose Abad Santos noong July 10 at 14 dahil sa habagat at Bagyong Inday. Isa pang magnitude 6.5 na lindol ang tumama noong July 14.

Sa Emeliano S. Fontanares Sr. National High School sa Barangay Sugal, walong silid-aralan ang tuluyang nasira, anim ang nagtamo ng malaking pinsala at dalawa ang bahagyang napinsala. Nasira rin ang gymnasium at mga kongkretong bakod. Walang nasawi, ngunit isang guro at 10 mag-aaral ang nasugatan.

Sa Edna Guillermo Memorial National High School sa Barangay Nuing, 31 silid-aralan ang nawasak at tatlo ang malubhang napinsala, na nakaapekto sa 780 mag-aaral. Pitong silid-aralan naman ang nawasak at dalawa ang bahagyang napinsala sa Butulan Elementary School, na nagsilbi ring evacuation center.

Nagpalabas ang Department of Education (DepEd) ng P3.51 milyon, kabilang ang P2.061 milyon para sa clean-up at clearing operations at P1.449 milyon para sa minor repairs.

Magtatayo rin ng 77 Learning Continuity Spaces sa 23 lugar sa Don Marcelino, Jose Abad Santos, Malita, Santa Maria at Sarangani.

Naglunsad din ang DepEd ng Psychological First Aid sessions para sa mga mag-aaral at guro ng Edna Guillermo Memorial National High School. Patuloy ang koordinasyon nito sa mga lokal na pamahalaan, Department of the Interior and Local Government at health authorities para sa relief assistance, engineering reviews at climate-resilient standards para sa mga paaralan sa Mindanao. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles