Kabanata 35: Bagong pagtingin sa buhay
Ito ang unang beses na bumili ng sunglasses, o shades nga ang tawag ng mga kaibigan niya, si Jiro.
Hawak niya ang napiling pares habang nakatayo sa harap ng salamin. Tinitingnan niya ang sarili niya mula sa iba’t ibang anggulo. Hindi pa rin siya makapaniwala.
Bago ibalot, lumapit ang staff.
“Sir, fitting lang po.”
Maingat na hinawakan ng staff ang salamin, saka dinala sa isang maliit na makina. Ilang segundo lang, parang ininit ang tangkay ng sunglasses. Pagkatapos, marahang hinulma.
“Para saktong-sakto sa inyo, sir,” paliwanag ng staff.
Napatingin si Jiro.
Grabe pala… pwede palang ipa-customize…
Tahimik siyang napangiti.
“Teka lang anak ha,” sabi ni Claire mula sa likod niya. “Mamimili din ang mama mo ng sunglasses para sa’kin at para kina Mama Esther mo.”
Tumango si Jiro.
Habang inaayos ang salamin niya, bumalik si Claire kay Esther.
“Tara, pili ka sunglasses,” sabi niya.
“Ay… wag na madam,” sagot ni Esther, nag-aalangan. “Sanay naman ako sa tirik ng araw. Saka parang ang mahal dito.”
Umiling si Claire.
“Ay, ano ka ba. Hindi mahal dito. Kung tutuusin, affordable na nga ’yan. Dati, dinadayo ko pa sa South Korea ang store nila. Buti meron na dito.”
Napangiti si Esther, pero halatang nahihiya pa rin.
“Ay… sige po… tingin lang po.”
Nagsimula silang maglibot.
May mga salaming kakaiba ang disenyo. May parang matulis ang gilid, halos parang pang-entablado. May iba namang malapad, may tint na kakaiba. May natitiklop na frame.
“Uy, parang sa demonyo ’to ah,” biro ni Christian habang may sinusukat.
Natawa si Jiro.
“Bagay sa’yo insan.”
“Loko.”
Si Monching naman, tahimik lang na tumitingin. May nakita siyang simpleng aviator.
“Okay na ’to,” sabi niya.
Samantala, si Esther, dahan-dahang sumusukat. Maingat ang kilos.
“Ma… bagay ’yan,” sabi ni Jiro.
Hawak ni Esther ang isang pares na may bahagyang leopard print sa gilid.
“Eto na lang po,” sabi niya.
Ngumiti si Claire.
“Perfect.”
“Christian, ikaw?” tanong ni Claire.
“May nakita na ako,” sagot niya.
“Tito Monching?” tanong ni Jiro.
Tumango ito.
Isa-isa silang lumapit sa counter.
Napansin ni Jiro, parang hindi na siya nagugulat sa presyo.
Hindi na siya nagbibilang.
Habang inaayos ang lahat ng binili nila, napansin niya ang oras.
“Ma… alas tres na pala…”
Tumingin si Claire sa relo.
“Uy, ang bilis ng oras.”
Napangiti siya.
“Merienda muna tayo bago umuwi.”
Biglang napatingin si Jiro.
“Saan naman tayo kakain, Ma?” tanong niya, may halong excitement.
“Sa Shangri-La. Nasa likod lang ng store na ’to,” sagot ni Claire.
Tumango si Jiro.
Paglabas nila ng store, marahang sinuot ni Jiro ang bago niyang sunglasses.
Saglit siyang tumigil.
Iba ang itsura ng mundo sa likod ng tinted sunglasses niya.
Parang mas positibo.
Parang mas exciting.
At napagtanto ni Jiro na parang akma ang bago niyang sunglasses sa kung paano na rin niya unti-unting nababago ang pagtingin sa bagong buhay niya. /Itutuloy sa susunod na kabanata


