Bumagsak sa $97.35 bilyon ang dollar reserves ng Pilipinas noong October 2026, ang pinakamababang antas sa halos apat na taon, dahil sa paghina ng piso, pagbaba ng halaga ng ginto at pagbabayad ng utang panlabas.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), bumaba ng 2.2 porsiyento ang gross international reserves (GIR) mula $99.49 bilyon noong September at 11.7 porsiyento mula $110.25 bilyon noong October 2025.
Ito ang pinakamababang antas mula December 2022. Mula sa $113.3 bilyon noong February, nabawasan na ang reserves ng halos $16 bilyon.
Kabilang sa mga dahilan ang foreign exchange operations ng BSP, pagbagsak ng halaga ng gold reserves at pag-withdraw ng pamahalaan ng dolyar para sa pagbabayad ng utang.
Bumaba sa $16.95 bilyon ang gold reserves at $62.84 bilyon ang foreign currency securities.
Kasabay nito, humina ang piso hanggang P64.20 kada dolyar sa intraday trading noong October 27.
Gayunman, ayon sa BSP, sapat pa rin ang reserves para tustusan ang 6.1 buwang imports at katumbas ng 3.1 beses ng panandaliang utang panlabas ng bansa.
Nagbabala naman ang mga ekonomista na kailangang bantayan ang patuloy na pagbaba ng reserves, lalo na kung magpapatuloy ang paghina ng piso.
“For now, it’s more of a yellow light than a red light, but sustaining remittances, exports, tourism, and investment inflows remains critical,” ani Reyes Tacandong & Co. Senior Adviser Jonathan Ravelas. /Bistado


