Bumaba ng limang porsiyento sa P35.4 bilyon ang net income ng SM Prime Holdings Inc. sa unang siyam na buwan ng 2026, mula P37.2 bilyon noong nakaraang taon, dahil sa mahinang bentahan ng mga residential property.
Ayon sa ulat ng kumpanya nitong Lunes, November 9, halos hindi nagbago ang kabuuang revenues sa P103.1 bilyon, habang bumagsak ng 15 porsiyento sa P10.9 bilyon ang kita sa ikatlong quarter.
Lumiit ng 21 porsiyento sa P25.6 bilyon ang residential revenues dahil sa mabagal na pagkilala sa kita mula sa mga naunang benta at pagkansela ng ilang mamimili.
Gayunman, lumago ng walong porsiyento sa P66 bilyon ang rental revenues, kabilang ang P63.7 bilyon mula sa malls, na tumaas ng 10 porsiyento.
Umakyat din ng 10 porsiyento sa P7.8 bilyon ang kita mula sa offices at warehouses, habang lumago ng pitong porsiyento sa P6.4 bilyon ang hotels at convention centers.
“Higher borrowing costs, elevated inflation and cautious consumer spending continued to weigh on residential demand. However, growth in our commercial and hospitality businesses helped keep revenues steady,” ani SM Prime President Jeffrey Lim.
Samantala, binawasan ng kumpanya ng 25 porsiyento sa P44.4 bilyon ang capital expenditures, habang umabot sa P1.1 trilyon ang kabuuang assets nito hanggang September. /Bistado


