Solo na ng Summit Media ng Gokongwei Group ang mga website na PEP.ph at SPIN.ph matapos bilhin ang 50 porsiyentong pagmamay-ari ng GMA Network sa kanilang pinagsamang negosyo.
Tinapos ng bentahan ang 19-taong pagsososyo ng dalawang kumpanya na nagsimula noong April 2007, nang itatag ang Philippine Entertainment Portal (PEP) para sa mga balitang showbiz at panayam sa mga artista.
Noong 2012, inilunsad naman ang SPIN.ph na nakatuon sa mga balitang pampalakasan.
Hindi ibinunyag ang halaga ng transaksyon.
Itinatag ni Lisa Gokongwei-Cheng, anak ng yumaong negosyanteng si John Gokongwei Jr., ang Summit Media mahigit 30 taon na ang nakalilipas. Nagsimula ito sa paglalathala ng mga magasin bago lumawak sa mga website at iba pang digital na negosyo.
Batay sa mga ulat sa pananalapi ng GMA, umabot sa P3.96 milyon ang bahagi nito sa pagkalugi ng PEP noong 2025, kumpara sa P1.56 milyon noong 2024 at P10.34 milyon noong 2023.
Ayon kay Summit Media President at CEO Howard Go, palalawakin ng kumpanya ang mga serbisyong digital, pakikipag-ugnayan sa mga mambabasa at pagkakakitaan ng PEP.ph at SPIN.ph.
“These brands have built something that cannot easily be replicated: credibility, audience relationships, and a deep understanding of Filipino popular culture,” ani Go.
Nauna nang nakipagsosyo ang Summit sa PlayTime Entertainment noong August 2026 para itatag ang PT Summit, isang kumpanyang magpapaunlad ng teknolohiya para sa paglalathala ng balita, pamamahagi ng nilalaman at digital marketing.
Mas malaking bahagi ng PT Summit ang hawak ng PlayTime. Unang gagamitin ang teknolohiya nito sa mga website ng Summit bago ialok sa iba pang kumpanya ng media.
Bukod sa PEP.ph at SPIN.ph, kabilang sa mga publikasyon ng Summit ang Preview, SPOT.ph, Smart Parenting, Esquire Philippines at Cosmopolitan Philippines.
Tiniyak ng Summit na mananatiling malaya ang mga patnugot ng PEP.ph at SPIN.ph sa pagpapasya sa kanilang mga ilalathala sa ilalim ng bagong pamamahala. /Bistado


