Halos triple ang inilaki ng pautang ng Pag-IBIG Fund para sa socialized housing matapos umabot sa P12.10 bilyon sa unang siyam na buwan ng 2026, mula P4.45 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Dahil dito, umabot sa 10,904 bahay ang napondohan kumpara sa 3,987 noong 2025, kasunod ng pagpapatupad ng mas mababang 3-percent interest rate para sa mga kwalipikadong borrower sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Lumaki rin sa halos 16 porsiyento ang bahagi ng socialized housing sa kabuuang housing loans ng Pag-IBIG, mula 7 porsiyento noong nakaraang taon.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Ramon Aliling, mas maraming minimum-wage earners at low-income families ang nagkakaroon ng pagkakataong magkaroon ng sariling bahay.
“What is especially encouraging is that more minimum wage and low-income workers are becoming homeowners, while our expanded financing options are also opening more opportunities for members in the middle-income sector,” ani Aliling.
Sakop ng Expanded 4PH Program ang condominium units, house-and-lot packages, residential lots, rental housing at community mortgage arrangements.
May promotional interest rates din ang Pag-IBIG na 4.5 porsiyento para sa housing loans na hanggang P4.9 milyon at 5.75 porsiyento para sa loans na hanggang P10 milyon, depende sa mga kondisyon ng programa.
Sa kabuuan, nakapagpautang ang Pag-IBIG ng P111.29 bilyon para sa 68,514 bahay mula January hanggang September 2026.
Katumbas ito ng 20 porsiyentong pagtaas sa halaga ng housing loans at 15 porsiyentong paglago sa bilang ng mga bahay na napondohan kumpara noong nakaraang taon. /Bistado


