Bumagsak ng 40% sa P47.3 bilyon ang netong kita ng San Miguel Corporation (SMC) sa unang siyam na buwan ng 2026. Halos hindi nagbago ang core income, na hindi kasama ang minsanang kita sa transaksiyong Chromite na nagpalaki sa tubo noong 2025.
Nabigatan ang SMC sa pagkalugi sa palitan ng pera, pati sa mas mataas na interes at hilaw na materyales. Umakyat ng 34% sa P1.5 trilyon ang benta, pero 3% lang ang itinaas ng kita sa operasyon, na umabot sa P141.8 bilyon.
Sa Petron, lumaki ng 56% sa P928.2 bilyon ang benta pero bumagsak ng 44% sa P5.4 bilyon ang netong kita dahil sa mas mahal na krudo at gastos sa pag-angkat at pagpapadala nito.
Sa San Miguel Global Power, umakyat ng 53% sa P53.4 bilyon ang kita sa operasyon sa tulong ng mga bagong pasilidad at mga kontrata sa suplay ng kuryente. Halos hindi gumalaw ang netong kita nito sa P42.6 bilyon.
Lumaki ng 35% sa P14.5 bilyon ang netong kita sa imprastraktura, sa tulong ng mas malaking ambag ng New NAIA Infra Corp. at Manila North Harbour. Bumaba naman ng 9% sa P30.6 bilyon ang netong kita sa pagkain at inumin, at ng 22% sa P2 bilyon ang sa semento. /Bistado


