Nakabalik na ang karamihan sa Outlook at Teams nitong Biyernes, November 13, matapos ang mahigit 24 oras na aberya sa Microsoft 365. Naayos na ng Microsoft ang problemang tumama sa network nito, pero may ilang user na putol-putol pa rin ang koneksiyon o huli pa ring natatanggap ang email.
“We have addressed the underlying issue and continue to restore service to remaining customers and regions,” ayon sa Microsoft. Pagsapit ng alas-5 ng hapon sa US East Coast noong Biyernes, binabantayan pa rin ng kumpanya ang paghahatid ng mga naipong mensahe bago nito ideklarang tapos na ang aberya sa Exchange Online.
Nagsimula ang problema noong Huwebes, November 12, alas-11:17 ng umaga sa US East Coast, o alas-12:17 ng madaling-araw ng Biyernes sa Pilipinas. Sa loob ng halos isang oras, nakatanggap ang Downdetector ng mga ulat mula sa 74 na bansa at teritoryo. Lampas 7.4 milyon ang naitala nitong report sa buong mundo, na umabot sa halos 20,000 kada minuto sa kasagsagan ng aberya. Walang tiyak na bilang ng mga taong naapektuhan.
Sa US pa lang, lumampas na sa 97,000 ang unang tala ng mga reklamo sa Outlook, mahigit 38,000 sa Microsoft 365 at humigit-kumulang 4,500 sa Teams. Ilang minuto makalipas ang ala-1 ng hapon doon, halos 130,000 na ang report sa Outlook.
Sa Exchange Online, ang serbisyong humahawak ng email at kalendaryo, may mga user na hindi mabuksan ang inbox sa browser, computer o cellphone. Ang iba, nakapasok sa Outlook pero hindi makapagpadala o makatanggap ng email. Sa Teams, nagkaproblema sa pagtingin ng kalendaryo at pagpapadala ng imbitasyon sa meeting. Apektado rin ang ilang gamit ng SharePoint at ng AI assistant na Copilot.
Tinukoy ng Microsoft ang problema sa naunang pagpapalawak ng kapasidad ng network nito. Lumitaw ang depekto matapos ang isang pagbabago sa network. Sa awtomatikong pagsusuri ng sistema, may mga server na biglang nawala sa serbisyo. Napunta sa mga natitirang server ang trabahong dating pinaghahatian nila. Ayon sa kumpanya, walang pambihirang dagsa ng mga user at walang kinalaman ang cyberattack o AI sa insidente.
Pansamantalang itinigil ng Microsoft ang paglulunsad ng mga pagbabago, inilipat ang bahagi ng trapiko at muling pinaandar ang mga apektadong server. May ilan na huminto ulit sa pagtugon nang bumalik ang trapiko. Halos 12 oras na noon ang aberya at wala pang maibigay na oras ang Microsoft para sa ganap na pagbalik ng serbisyo.
“We’ve monitored the status of the changes applied to improve serviceability and confirmed they’re not taking as expected,” sabi noon ng Microsoft 365 Status sa X. Nang maayos ang depekto, unti-unting ibinalik ng mga inhinyero ang serbisyo para masuri kung matatag ang mga server sa bawat yugto. Pinalawig din sa 48 oras ang palugit sa paghahatid ng mga naantalang email bago mag-timeout ang mga ito.
Sa University of Illinois Urbana-Champaign, pansamantalang hindi makatawag sa 911 o sa campus police gamit ang Teams, kaya pinagamit ng pulisya ang cellphone. Sa London, naapektuhan ang pagsusumite ng ilang ulat ng krimen online, bagaman patuloy na nasasagot ng Metropolitan Police ang mga tawag. Sa Manchester, pinauwi ng hukom ang mga hurado nang maantala ang paglilitis.
Sa India, naapektuhan ang email support ng Air India, IndiGo at Akasa Air. Sa Taiwan, gumamit ng fax ang isang kompanyang pinansiyal para kumpirmahin ang mga transaksiyon. Nagkaproblema rin ang OpenAI at Anthropic sa pagkonekta ng kanilang mga serbisyo sa Microsoft 365.
Sa mga naghihintay pa ng email, pinayuhan ng University of Illinois ang mga estudyante at kawani na tingnan ang Outbox at Drafts para sa mga mensaheng hindi naipadala, at ang Sent folder para makumpirma kung naipadala ang mga iyon. Posible pa ring maunang bumalik ang access sa inbox bago makarating ang lahat ng nakapilang mensahe. /Bistado


