Nahablot ni Naomi Marjorie Cesar ang unang medalya ng Pilipinas sa Dakar Youth Olympic Games (YOG) matapos ang silver medal sa women’s 800m final sa oras na dalawang minuto at 9.34 segundo nitong Martes ng madaling-araw (oras sa Pilipinas).
Pang-apat sa huling 100 metro ng karera, ibinigay ng 17-anyos na si Cesar ang kanyang buong makakaya upang makapagtapos sa likod ni Netsanet Selemon ng Ethiopia (2:04.43) at unahan si Khadja Elmostaqim ng Morocco, na nakuntento sa bronze medal (2:10.05).
Noong Disyembre 2025, sa edad na 16, nasungkit niya ang gold medal sa women’s 800m sa Southeast Asian Games sa Thailand at naging pinakabatang Pilipinong nagkampeon sa athletics sa kasaysayan ng SEA Games.
Noong Linggo, nabigong makasungkit ng medalya ang gymnast na si Tchelzy Mei Maayo at cyclist na si Maritanya Krog.
Nagtapos si Maayo sa ika-36 na puwesto sa women’s all-around habang 30th si Krog sa 59.50-kilometrong individual road race.
Sa kabila ng hindi pag-akyat sa podium, pinahalagahan ng dalawang atleta ang karanasang kanilang nakuha sa pagsabak sa YOG.
“I learned to stay strong even if you’re score is not really good,” pahayag ng 14-anyos na si Maayo, na susunod na sasabak sa Batang Pinoy Nationals sa Bacolod City sa susunod na buwan. “It’s about focusing on your next event after you missed one.”
Nagtala si Maayo ng kabuuang 44.399 puntos (uneven bars 9.50, balance beam 10.800, vault 12.633, floor exercise 11.466) sa Dakar Exhibition Center sa Diamniadio.
Nanguna sa 18 atletang sumabak sa finals sina Xie Guying (53.099) at Zhong Qi (52.932) ng China, Polina Dmitrieva (52.733) ng Russian Federation, at Yume (52.465) at Nanami Togo (52.399) ng Japan.
“I competed without any falls, although I wobbled [in the balance beam] a bit, I really enjoyed the games and I’m just happy to have performed and competed,” ani Maayo. “But surely, I’ll do my best and work harder in the next competitions.”
May isa pang event na sasabakan si Krog, 17, ang 8.5-kilometrong individual time trial (ITT) na nakatakda alas-5 ng hapon ngayong Martes (oras sa Pilipinas).
“It was tough in the road race, the Europeans and Australian have their numbers here,” pahayag ni Krog, na nagtapos sa ikaanim na puwesto sa road race ng 2025 Asian Youth Games sa Bahrain.
Nagsagawa ng reconnaissance si Krog kasama ang kanyang mga coach na sina Mark John Lexer Galedo at Marita Lucas noong Lunes sa ruta ng ITT sa Corniche upang suriin ang direksyon at lakas ng hangin na inaasahang iihip mula sa Atlantic Ocean patungo sa baybayin.
Hindi nakasabay sina Krog at halos kalahati ng 42 siklistang kalahok sa breakaway na pinangunahan ng karamihan ng mga European athlete sa huling dalawang lap ng walong-lap na karera.
Nagtapos na 1-2-3 sina Angelina Novolodskaya ng Russian Federation, Alsie Apps ng Australia at Linda Sitkova ng Czechia matapos ang sprint finish.
Samantala, pumang-apat si Jade Justin Justiniane matapos ang unang araw ng kompetisyon sa windsurfing sa Saly Beach nitong Linggo.
“I was quite tired and my knees almost left me,” ani Justiniane, 15. “I had to keep pumping because my opponents are really tough.”
Sa huling talaan Lunes ng gabi, nangunguna ang China na may 13-7-3 gold-silver-bronze, kasunod ang Japan (9-6-5), Russian Federation (6-4-0) at Egypt (6-1-3).


