Nagsimula ang kampanya ng Philippine Under-17 Men’s National Football Team (PMNFT U17) sa 2027 AFC U17 Asian Cup Qualifiers (ACQ) sa pamamagitan ng 2-1 panalo kontra Cambodia sa Group A sa Star City Sports Club sa Thanlyin, Myanmar nitong Linggo.
Iyon ang ikatlong sunod na panalo ng Pilipinas kontra Cambodia sa U17 men’s level mula noong 2025 ACQ.
Nagpakitang-gilas sa kanyang debut sa pambansang koponan ang Filipino-German forward na si Kai Müller matapos umiskor ng dalawang goal, habang napigilan naman ng depensa ng Pilipinas ang mga pagtatangka ng Cambodia na maitabla ang laban.
“I feel I was able to deliver a very good performance, and I’m very happy about that but I’m far from satisfied yet,” pahayag ng standout player mula sa FC Nürnberg ng Bavaria.
Naging dikdikan ang laban ng dalawang koponan, kung saan kapwa napigilan ng kanilang mga depensa ang mga pagtatangkang makapuntos sa final third.
Gayunman, nagawa ni Müller na makapuntos sa ika-39 na minuto gamit ang kanyang kaliwang paa matapos makalusot sa depensa at makapasok sa penalty box ng Cambodia.
Bumawi ang Cambodia bago matapos ang first half nang umiskor ang kanilang forward na si Long Bich mula sa interception kasunod ng kanilang high press.
Nagpatuloy ang taktikal na labanan sa second half, kung saan nabigo ang Cambodian substitute striker na si Chantha Seyha na maipasok ang isang header mula sa mapanganib na pasa sa final third noong ika-58 minuto.
Ngunit hindi napigilan si Müller na muling makapuntos matapos lampasan ang dalawang Cambodian defender sa loob ng penalty box at magpakawala ng tira gamit ang kanyang kaliwang paa sa ika-69 na minuto.
Nakapagtala rin ng mahahalagang defensive stops ang PMNFT U17. Noong ika-83 minuto, malinis na napigilan ng center back na si Lucas Asher Alvarez ng Bay Area Surf SC sa California ang mapanganib na pag-atake ni Seyha sa loob ng penalty box ng Pilipinas.
Dalawang mahalagang save naman ang ginawa ni goalkeeper Nicko Buan ng Paris Saint-Germain U15 sa huling bahagi ng stoppage time.
Napigilan niya ang isang Olimpico attempt at free kick mula sa midfield na pinakawalan ni It Somaun sa huling mga pagkakataon ng Cambodia na makapuntos.
Susunod na makakaharap ng PMNFT U17, sa pangunguna ng Spanish tactician na si Sergi Mulet, ang Indonesia sa Yangon sa Nobyembre 11, ganap na alas-4:30 ng hapon (oras sa Pilipinas).
Ang Indonesia ay naging kalahok sa 2023 at 2025 U17 World Cup.
“For this particular game, what our U17 program has achieved is consistency,” pahayag ni Philippine Football Federation president John Anthony Gutierrez.
“To defeat Cambodia three in a row, with three generations of U17s, is a testament of PFF’s current emphasis on strengthening our youth national teams in order to have strong senior national squads.’’


