Umakyat ng 3.9 porsiyento sa P34.2 bilyon ang revenues ng Converge ICT Solutions Inc. sa unang siyam na buwan ng 2026, ngunit bumaba ng siyam na porsiyento sa P8.1 bilyon ang net income nito dahil sa mas mataas na gastusin.
Sa financial results nitong Lunes, November 9, iniulat ng kumpanya na lumago ang benta mula P33 bilyon noong nakaraang taon, sa tulong ng mas malakas na demand mula sa mga negosyo.
Sumirit ng 22 porsiyento sa P6.4 bilyon ang enterprise revenues, habang lumago ng 29.3 porsiyento ang large corporate segment at 15.4 porsiyento ang small and medium enterprises (SMEs).
Samantala, umabot sa P27.9 bilyon ang residential revenues, na sinuportahan ng mahigit 3.1 milyong subscribers hanggang September.
“Our Enterprise business is driving growth for Converge as we see the impact of our investments in digital infrastructure needed by both large corporates and wholesale operators,” ani Converge CEO Dennis Anthony Uy.
Umabot naman sa P19.9 bilyon ang earnings before interest, taxes, depreciation and amortization (EBITDA), na may 58 porsiyentong margin.
Sa ikatlong quarter lamang, tumaas sa P11.8 bilyon ang revenues, ngunit bumaba ng halos 12 porsiyento sa P2.6 bilyon ang net income.
Sa kabila ng inflation, mahal na gasolina at paghina ng paggastos ng mga consumer, hindi pa binabago ng Converge ang revenue growth outlook nito para sa buong 2026. /Bistado


