Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

‘Disruption’ lang ba talaga?

Nagsimula ang linggo sa pagpapaulit-ulit ng Malacañang na walang oil crisis sa Pilipinas. Ayon sa Palasyo, ang nararanasan ay “price disruption” lamang kahit bumuo na rin ang pamahalaan ng crisis committee. Iyan ang opisyal na linya. Ngunit sa labas ng press briefing, ibang larawan ang makikita.

Tingnan mo ang presyo sa gasolina. Tingnan mo ang pila sa sakayan. Tingnan mo ang oras na inuubos ng commuter para makauwi. Ang epekto ay hindi teknikal na “disruption.” Ang epekto ay konkretong hirap sa araw-araw na buhay.

Mahalagang ilagay sa tamang konteksto ang sitwasyon. Ang sigalot sa Gitnang Silangan ay nagdulot ng pagkagambala sa suplay ng langis sa buong mundo. Hindi kailangang maging dalubhasa para maintidihang anumang tensyon sa rehiyong pinanggagalingan ng malaking bahagi ng global oil supply ay agad nagtutulak pataas sa presyo ng krudo, na direktang tumatama sa mga bansang umaasa sa imported fuel tulad ng Pilipinas. Hindi ito lokal na problema. Pandaigdigan ang pinagmulan.

May krisis. Hindi lang basta “disruption.”

Pero mukhang hindi rin tama na ilaglag ang sisi sa gobyerno lamang. Walang bansang ligtas sa ganitong oil shock. Kahit ang mga ekonomiya sa East Asia ay naghahanap ngayon ng alternatibong suplay ng langis. Hindi madali ang maghanap ng fuel para sa mahigit 110 milyong Pilipino. Trabaho rin ng gobyerno na iwasan ang panic. May punto ang pagpapanatili ng kalma.

Pero may hangganan ang pag-iingat sa pananalita.

Kapag ang salita ay nagiging euphemism, nawawala ang urgency. Kapag ang krisis ay tinawag na “disruption,” parang minamaliit lang ang problema. Parang pansamantala. Parang walang kailangang malawakang tugon. Dito nagkakaroon ng disconnect.

Hindi hinihingi ng publiko ang pampakalma. Ang hinihingi ay malinaw na pagkilala sa bigat ng sitwasyon.

Dahil ang totoo, mabigat ang sitwasyon.

Bago pa ang krisis, ayon sa Social Weather Stations, mahigit 14 milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap. May ulat din ang Philippine Statistics Authority na nagpakita ng matinding pagtaas sa kawalan ng trabaho sa nakaraang mga buwan. Ibig sabihin, marupok na ang pundasyon ng kabuhayan.

Ngayon, may dagdag na pressure. Tumataas ang presyo ng langis. Humihina ang piso. Kapag nagpatuloy ito, tataas ang inflation, babagal ang paglago ng ekonomiya, at mas marami ang babagsak sa kahirapan.

Sa ganitong kalagayan, kulang ang simpleng monitoring at paliwanag.

Oo, may hakbang ang gobyerno. May crisis committee. May price checks sa gasolinahan. May ayuda para sa piling sektor. Pero ayon sa mga ulat, limitado ang saklaw at panandalian ang epekto ng mga ito. Hindi nito natatamaan ang ugat ng problema.

Ang ugat ay malinaw. Mataas ang dependence sa imported oil. Maluwag ang kontrol sa presyo dahil sa liberalisadong industriya. Mahina ang proteksyon sa mamimili kapag sumipa ang global prices.

Kaya dapat mas malalim ang tugon.

Unang hakbang ang pagbawas ng buwis sa langis kapag may krisis. Hindi ito bagong ideya. Matagal nang panawagan ito ng iba’t ibang sektor. Ikalawa, dapat tutukan ang profiteering sa halip na simpleng inspeksyon lamang. Ikatlo, kailangang palawakin ang suporta sa transport sector at sa mahihirap na pamilya na direktang tinatamaan ng pagtaas ng presyo.

May mas mahirap pang usapin. Diplomasya.

Sa totoo lang, may papel ang pamahalaan sa pagtulak ng deescalation sa pandaigdigang sigalot. Kapag humupa ang tensyon, bumababa ang pressure sa presyo ng langis. Hindi ito madaling gawin, pero bahagi ito ng mas malawak na solusyon.

Sa huli, hindi kailangan ng mamamayan ng matitinding salita. Kailangan nila ng tapat na pagtingin sa sitwasyon at konkretong aksyon.

Hindi masama ang magpakalma. Pero hindi rin tama ang maliitin ang problema.

Kung “disruption” lang ang tawag sa krisis, baka kulang din ang maging tugon dito. At sa krisis na tulad nito, hindi pwedeng kulang ang sagot. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles