Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Bakit tahimik si Toby Tiangco?

Ilang linggo nang nasusunog ang landfill sa Navotas. Nagsimula ang apoy noong gabi ng April 10 sa Navotas Sanitary Landfill sa Barangay Tanza, Navotas City. Hanggang ngayon, patuloy ang pagkalat ng usok. Hindi lang Navotas ang apektado. Umabot ang epekto sa Malabon at sa Obando, Bulacan kung saan may mga residenteng inilikas. Ayon sa Philippine Space Agency, umabot pa ang usok hanggang Bataan sa isang punto.

Sa Metro Manila, ramdam ang epekto. Ayon sa Environmental Management Bureau, may mga lugar na pumalo sa “very unhealthy” ang air quality dahil sa PM2.5, ang maliliit na particle na pumapasok sa baga at nagdudulot ng seryosong sakit sa puso at baga. May mga lungsod na nagpaalala sa paggamit ng mask. May mga pamilya na direktang apektado ng maruming hangin. Hindi ito simpleng sunog. Malawak ang tama nito sa kalusugan at kabuhayan.

Ayon sa Greenpeace Philippines, ang ganitong landfill fire ay naglalabas ng dioxins at furans, mga pollutant na may kaugnayan sa cancer at iba pang sakit. Ang mga ito ay nananatili sa kapaligiran at maaaring maipasa sa lupa, tubig, at pagkain. Sa Navotas, malapit ang landfill sa palaisdaan at komunidad kaya direktang apektado ang kabuhayan at kalusugan.

Ngayon, balikan natin ang pinagmulan. Noong 2002, si Toby Tiangco, noon ay mayor ng Navotas, ang nagdepensa sa pagtatayo ng 10-ektaryang landfill sa Barangay Tanza. Nangako siya ng buffer zone, soil cover, gas vents para pigilan ang methane buildup, at closure plan para gawing ligtas ang site matapos gamitin. Sinabi rin niyang makakatipid ang lungsod ng hindi bababa sa P30 milyon kada taon.

May mga residente na tumutol noon pa lang at nagbabala sa posibleng epekto sa kalusugan at kapaligiran. Itinuloy pa rin ang proyekto. Ngayon, makalipas ang higit dalawang dekada, bumabalik ang parehong mga tanong.

Isinara ang landfill noong August 2025. Ngunit ayon sa Navotas City government, nabigo ang dating operator na maipatupad ang tamang closure at rehabilitation. Naiwan ang residual waste, at ang underground fire na iniuugnay sa methane gas buildup ang pinaniniwalaang dahilan ng patuloy na pagliyab.

Dito nagiging malinaw ang mas malalim na problema. Ang isyu ay hindi lang ang sunog. Ang isyu ay kung paano pinlano, pinatakbo, at isinara ang landfill. Kapag ang isang pasilidad na ipinangakong ligtas kahit matapos gamitin ay nagiging pinagmumulan ng panganib, may mali sa kabuuang sistema na nagpatakbo nito.

At sa puntong ito, nakakapanibago ang katahimikan ni Tiangco. 

Sino bang makakalimot na ilang buwan din siyang dada nang dada tungkol sa flood control issue. Malakas ang boses. Paulit-ulit ang panawagan. Ipinapakita na seryoso siya sa usapin ng proteksyon laban sa baha. Nagtuturo ng kung sino-sino kahit may datos na nagpapakitang dawit kahit sarili niyang bakuran sa isyu.

Ngayon, mas malala pa, hindi na lang tubig ang kinakaharap ng Navotas kundi usok at polusyon na umaabot sa buong rehiyon.

Dito lalong lumalalim ang tanong. Kung sa flood control ay may boses, bakit sa landfill fire na direktang tumatama sa kalusugan ng milyon-milyong tao ay katahimikan ang sagot?

Hindi ito simpleng usapin ng pulitika. Ito ay usapin ng pananagutan. Kapag ang proyekto ay ipinaglaban mo, may obligasyon kang sagutin ang naging resulta. Kapag ang lungsod ay apektado, may obligasyon kang humarap.

Habang patuloy ang usok at habang patuloy ang panganib sa hangin na nilalanghap ng milyon-milyong tao, nananatili ang isang tanong na hindi pa nasasagot: Bakit tahimik si Toby Tiangco?

Ika nga, when there’s smoke, there’s fire. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles