Bumaba sa 2.2 milyon mula 6.7 milyon ang mga mag-aaral na nahihirapan sa batayang kasanayan sa buong bansa, o bawas na 4.5 milyon, ayon sa Department of Education (DepEd), batay sa pagtatasa para sa School Year 2025–2026.
Umakyat naman sa 2.5 milyon ang mga mag-aaral na handa sa pagbasa ayon sa kanilang baitang.
Bilang halimbawa, binanggit ng DepEd ang Catbalogan III Central Elementary School sa Samar, kung saan bumaba sa 91 mula 253 ang mga batang hirap sa pagbasa. Iniugnay ng ahensiya ang pag-unlad sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.
“Kitang-kita natin dito sa Samar na kapag nagtulong-tulong ang mga guro, magulang, at pamahalaan, mabilis nating naaagapan ang kahinaan sa pagbasa ng ating mga mag-aaral,” ani Education Secretary Sonny Angara.
Pinagtibay rin ng ASEAN ang ASEAN Declaration on Foundational Learning, isang patakarang binuo ng Pilipinas para palakasin ang pagbasa at batayang matematika ng mga kabataan sa rehiyon. Kabilang ang ARAL sa mga programang isinaalang-alang sa pagbuo nito. /Bistado


