Planong magtayo ng planta sa Pilipinas ang Vietnamese electric vehicle maker na VinFast para mapababa ang gastos, mapatatag ang suplay at masuportahan ang pag-export.
Sa V Creator Summit sa Vietnam, sinabi ni VinFast Asia CEO Tapan Ghosh na bahagi ng pangmatagalang pagpapalawak ng kompanya ang lokal na produksyon.
Nauna nang ibinunyag ni Trade Secretary Cristina Roque ang panukalang $500-million EV manufacturing complex ng Vingroup, ang parent company ng VinFast. Batangas ang gustong lokasyon dahil malapit ito sa mga pantalan, at sinusuri ang mga lupang hindi bababa sa 300 ektarya.
Sa naunang plano, target ang paggawa ng 200,000 four-wheeled EV kada taon bago sundan ng electric scooters. Hangad simulan ang konstruksyon sa unang bahagi ng 2027 at matapos sa loob ng 12 hanggang 18 buwan.
Gayunman, walang ibinigay na halaga ng puhunan, kapasidad o iskedyul para sa planta sa Pilipinas si Ghosh sa naturang talakayan.
Ayon sa kanya, makatutulong ang lokal na produksyon para mapamura ang sasakyan, lumikha ng trabaho at mapanatili ang suplay kahit may aberya. Kailangan din aniya ang pagtutulungan ng industriya at gobyerno, kasama ang pagpapalawak ng kaalaman ng publiko tungkol sa EV. /Bistado


