Ipinasa ng Pilipinas sa Singapore ang ASEAN chairship para sa 2027 sa pagtatapos ng 49th ASEAN Summit nitong November 17, kasabay ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang pagtutulungan ng rehiyon.
Ayon kay Marcos, dapat maghatid ang mga kasunduan ng mas maraming oportunidad sa maliliit na negosyo, proteksyon sa migrant workers at mas mabilis na tulong kapag may sakuna.
“The most important work of ASEAN cannot belong to one chair alone,” ani Marcos, na nangako ng suporta sa Singapore.
Sinabi naman ni Singapore Prime Minister Lawrence Wong na tututukan nila ang pagpapadali sa pagtatayo at pagpapatakbo ng negosyo sa mga bansang ASEAN, kasama ang mas matibay na ugnayan sa pananalapi, digital technology at enerhiya.
Tema ng Singapore sa 2027 ang “Deeper Integration, Wider Partnerships,” kasabay ng ika-60 anibersaryo ng ASEAN.
Kabilang sa mga binanggit ni Wong na nagawa sa pamumuno ng Pilipinas ang paglagda sa ASEAN Digital Economy Framework Agreement, maagang pagkakabisa ng mga pinahusay na kasunduan sa kalakalan at pagsulong ng integrasyon ng Timor-Leste sa samahan. /Bistado


