Pinaiimbestigahan ni Police Brig. Gen. Rudecindo Licup Reales, hepe ng Police Regional Office Negros Island Region (PRO-NIR), ang pagsusuot ng isang pulis ng damit na may tatak ng Maxim sa buy-bust sa Bacolod City. Nababahala ang mga rider na baka mapagkamalan silang mga operatiba habang nagde-deliver.
Sa larawang inilabas ng Bacolod City Police Office (BCPO), nakasuot ng itim na long-sleeved shirt na may tatak ng Maxim ang isang operatiba sa buy-bust noong November 7 sa Purok Santo Niño, Barangay Handumanan. Arestado sa operasyon ang suspek na si alyas Atan. Ayon sa pulisya, nakuha sa kanya ang apat na gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P27,200.
Sinabi ni PRO-NIR spokesperson Lt. Col. Joem Malong nitong Biyernes na sinusuri kung nasunod ang mga patakaran sa operasyon at kung may pananagutan ang pulis. Inatasan din si BCPO director Col. Eugene Rabadomia na makipagpulong sa Maxim.
Sa pahayag nito, tiniyak ng PRO-NIR na dapat protektahan ang kaligtasan at kabuhayan ng mga rider, “who should never be placed at unnecessary risk because of their legitimate occupation.”
“While the PNP remains committed to intensifying its campaign against illegal drugs, all police operations must uphold professionalism, accountability, public safety, and respect for human rights,” dagdag ng PRO-NIR.
Ikinatuwa ng Maxim Rides & Food Delivery ang imbestigasyon. Hinimok din nito ang mga rider na magsumbong kung may insidenteng naglalagay sa kanila sa panganib.
“We also encourage our driver-partners to report any untoward incidents to their local Maxim office so we can coordinate with the appropriate authorities and help address their concerns,” ayon sa kumpanya. /Bistado


