Bumaba ng limang porsiyento sa P11.99 bilyon ang net income ng Manila Water Company Inc. sa unang siyam na buwan ng 2026, kahit lumaki ang revenues dahil sa dagdag-singil at mas mataas na konsumo ng tubig.
Ayon sa financial report nitong Martes, November 10, umakyat ng 11 porsiyento sa P33.4 bilyon ang revenues mula January hanggang September, ngunit bumigat ang gastos sa interes at mga pasilidad.
Mahigit dumoble sa P4.67 bilyon ang net interest expenses mula P2.3 bilyon, habang lumobo ng 26 porsiyento sa P4.92 bilyon ang depreciation at amortization.
Gayunman, lumago ng 12 porsiyento sa P24.38 bilyon ang EBITDA o kita bago ibawas ang interes, buwis, depreciation at amortization.
Sa East Zone na sakop ang silangang Metro Manila at Rizal, sumirit ng 12 porsiyento sa P26.9 bilyon ang revenues dahil sa mga pagbabago sa singil sa tubig.
Dumami rin ng dalawang porsiyento sa 1.43 milyon ang customer connections, habang umabot sa 663.11 milyong cubic meters ang tubig na nasingil.
Samantala, gumastos ang Manila Water ng P11.7 bilyon para sa pagpapalawak at pagpapahusay ng mga pasilidad, kabilang ang paghahanda sa posibleng matinding El Niño.
“These investments are strengthening our business for the future — expanding and diversifying our water sources, reinforcing system reliability, and improving network efficiency,” ani Manila Water President at CEO Roberto Locsin. /Bistado


