Lumaki ng 3.5 porsiyento sa P5.44 bilyon ang net income ng Globe Telecom Inc. sa ikatlong quarter ng 2026, kasabay ng paglago ng revenues at mas malakas na kita mula sa operasyon.
Ayon sa financial report ng Globe nitong Martes, November 10, umabot sa rekord na P129 bilyon ang service revenues mula January hanggang September, mas mataas ng anim na porsiyento kumpara noong nakaraang taon.
Sumirit din ng anim na porsiyento sa P68 bilyon ang earnings before interest, taxes, depreciation and amortization (EBITDA).
Pinakamalaking pinagkukunan ng revenues ang mobile business na lumago sa P91.4 bilyon, kabilang ang P81.2 bilyon mula sa mobile data.
Umakyat din sa P18.9 bilyon ang home broadband revenues at P16.5 bilyon ang corporate data revenues.
Sa ikatlong quarter lamang, umabot sa P43.6 bilyon ang service revenues at P23.2 bilyon ang EBITDA.
Gayunman, bumaba ng pitong porsiyento sa P16.5 bilyon ang kabuuang net income sa unang siyam na buwan ng taon, mula P17.7 bilyon noong 2025, dahil sa mas mataas na depreciation at interest expenses at malalaking one-time gains noong nakaraang taon.
Sa pagtatapos ng September, may 66.9 milyong mobile subscribers at 2.5 milyong home broadband subscribers ang Globe.
Nag-ambag din ang Mynt, ang kumpanyang nasa likod ng GCash, ng 28 porsiyento sa pre-tax income ng Globe.
Samantala, gumastos ang kumpanya ng P35.8 bilyon sa pagpapahusay ng network, kabilang ang 1,481 bagong 5G sites at 128,732 fiber-to-the-home lines.
“We are pleased with how the business has performed through the first nine months of the year, particularly as we continue to navigate a challenging operating environment,” ani Globe President at CEO Carl Raymond Cruz. /Bistado


