Lumobo ng 10.2 porsiyento sa P12.6 bilyon ang kita ng Maynilad Water Services Inc. sa unang siyam na buwan ng 2026, dahil sa dagdag-singil sa tubig, mas maraming customer at nabawasang tagas sa mga linya nito.
Ayon sa ulat ng kumpanya nitong Huwebes, November 5, umakyat ng 3.5 porsiyento sa P28.6 bilyon ang revenues mula January hanggang September, habang lumago ng 5.1 porsiyento sa P20.1 bilyon ang EBITDA.
Dumami rin ng 1.5 porsiyento sa 1.59 milyon ang customer connections, habang tumaas sa 423.3 milyong cubic meters ang tubig na nasingil.
Bumaba naman sa 29.3 porsiyento mula 32.8 porsiyento ang non-revenue water o tubig na nawawala dahil sa mga tagas at iba pang dahilan.
Gumastos din ang Maynilad ng P19.5 bilyon para sa pagpapahusay ng suplay, mga pasilidad at wastewater treatment.
Ayon sa kumpanya, 94.5 porsiyento ng service area nito ang mayroon nang 24-oras na suplay ng tubig na may itinakdang minimum pressure.
Gayunman, nananatiling hamon ang panganib sa suplay ng tubig at mataas na inflation.
“While water supply risks and elevated inflation continue to shape the operating environment, we remain focused on strengthening our water supply resilience and improving network reliability,” ani Maynilad President at CEO Ramoncito Fernandez. /Bistado


