Nalugi ng P947.6 milyon ang DigiPlus Interactive Corp., operator ng BingoPlus, ArenaPlus at GameZone, sa ikatlong quarter ng 2026 dahil sa P4.52-bilyong pagbaba ng nakatalang halaga ng investments nito.
Kabaligtaran ito ng P1.71-bilyong kita sa kaparehong panahon noong 2025, ayon sa financial disclosure ng kumpanya nitong Martes, November 3.
Nagmula ang valuation loss sa convertible notes ng Hong Kong-listed International Entertainment Corporation (IEC). Hindi ito aktuwal na cash loss kundi pagbaba ng halaga ng investment sa accounting records.
Bumagsak din ng 32 porsiyento sa P12.9 bilyon ang quarterly revenues, bagaman lumago ng 40 porsiyento sa P2.85 bilyon ang earnings before interest, taxes, depreciation and amortization (EBITDA).
Sa unang siyam na buwan ng 2026, bumaba ng 12 porsiyento sa P8.85 bilyon ang net income mula P10.11 bilyon noong nakaraang taon.
Lumiit din ng 32 porsiyento sa P45.75 bilyon ang revenues at 25 porsiyento sa P8.3 bilyon ang EBITDA.
Samantala, tumaas sa 5.9 milyon ang average monthly active users sa ikatlong quarter, habang umabot sa 4.9 milyon ang aktibong bettors at depositors.
“Our first nine months performance reflects the progress we are making in strengthening operating efficiency while building our user base and content,” ani DigiPlus President Ping Chen.
Sa pagtatapos ng September, may P11.7 bilyong cash at cash equivalents ang DigiPlus matapos magbayad ng P3.8 bilyong dividends at mamuhunan ng P12.2 bilyon sa IEC convertible notes. /Bistado


