Binili ng technology company na Boomi ang Israeli firm na Elementary Data para palakasin ang data monitoring at quality control ng artificial intelligence (AI) systems na ginagamit ng mga negosyo.
Isasama ang teknolohiya ng Elementary Data sa Boomi Enterprise Platform para mas madaling matukoy ang mali, kulang o outdated na impormasyon bago ito magamit sa AI applications at automated business operations.
Kabilang sa mga kakayahan nito ang automated data testing, monitoring ng data pipelines at pagtukoy sa pinagmulan ng impormasyon.
Ayon sa Forrester Consulting study na kinomisyon ng Boomi, 86 porsiyento ng business leaders ang nagsabing lumampas na sa pilot stage ang kanilang AI agents, ngunit 34 porsiyento lamang ang nagtitiwala sa mga aksyon ng mga ito.
Naitala rin sa pag-aaral ang average na $2.1 milyong karagdagang gastos sa mga kumpanyang nag-deploy ng AI agents bago maging handa.
“AI is only as trustworthy as the data behind it,” ani Boomi Chairman at CEO Steve Lucas.
Itinatag noong 2022 ang Elementary Data bilang open-source project at ginagamit ng mahigit 1,500 data teams, na may 1.1 milyong monthly downloads.
Inaasahang mapapalawak ang paggamit ng teknolohiya nito sa pamamagitan ng mahigit 30,000 customers at 800 partners ng Boomi.
Kasunod ito ng naunang pagbili ng Boomi sa Lunar.dev bilang bahagi ng pagpapalawak ng AI at data management services nito. /Bistado


