Dalawang indibidwal ang arestado sa magkahiwalay na cybercrime operations sa Pasay City at Bataan kaugnay ng umano’y pagpapakalat ng intimate photos at pag-aalok ng ilegal na dental services sa social media.
Noong October 13, inaresto ng Southern District Anti-Cybercrime Team ang 37-anyos na si alyas “Jayjay” sa isang entrapment operation sa Pasay matapos ireklamo ng isang babae.
Ayon sa pulisya, gumamit umano ang suspek ng dummy social media account para magpanggap bilang biktima at ipakalat ang kanyang pribadong larawan sa mga kakilala nito.
Pinagbantaan din umano niya ang babae na lalo pang ikakalat ang intimate photos kapag hindi ito pumayag na makipagkita sa kanya.
Nahaharap ang suspek sa mga reklamong paglabag sa Revised Penal Code, Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 at Cybercrime Prevention Act of 2012.
Samantala, noong October 14, inaresto ng Olongapo City Cyber Response Team sa Limay, Bataan ang 23-anyos na si alyas “Gabbie” dahil sa umano’y pag-aalok ng dental braces services online nang walang lisensya.
Natunton ang suspek matapos makakita ang mga pulis ng social media post na nag-aalok ng do-it-yourself dental braces kapalit ng bayad.
Lumabas sa imbestigasyon na wala umano siyang pormal na dental education, professional license o training.
Nahaharap siya sa reklamong paglabag sa Philippine Dental Act of 2007 kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012. /Bistado


